|
Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689
A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith
1. Ang Banal na Kasulatan lamang ang sapat, tiyak at di-maaaring magkamali na tuntunin o pamantayan ng nagliligtas na kaalaman, pananampalataya at pagtalima.(1) Ang kalikasan at gawa ng Diyos ng paglikha at probidensiya, ay nagbibigay ng malinaw na patotoo sa Kanyang kabutihan, karunungan at kapangyarihan na anupa't ang tao na hindi pumapansin sa patotoo nito ay walang maidadahilan.(2) Nguni't ang mga ito ay hindi sapat sa Kanilang sarili na makapagbigay ng kaalaman at kalooban ng Diyos na kailangan para sa kaligtasan.(3) Dahil dito, ang maawaing Panginoon sa iba't ibang panahon at ibang paraan ay naghayag ng Kanyang sarili at ipinaalam ang Kanyang kalooban sa Kanyang Iglesia.(4) Bukod dito, upang lalong matiyak ang pangangalaga at pagpapalaganap ng katotohanan, at ang pagtatatag at kaaliwan ng Iglesia laban sa likas na kasamaan ng tao at sa linlang ni Satanas at sa sanlibutan, ginawa Niya ang buong pagpapahayag ng Kanyang sarili at ng Kanyang kalooban na maisulat. At yamang ang paraan ng pagpapahayag ng Diyos sa Kanyang kalooban noong una ay matagal nang natigil,(5) ang Banal na Kasulatan ay naging lubos na pangangailangan ng tao.(6)
1. Isa. 8:20; Lu. 16:29-31; Ef. 2:20; 2 Tim. 3:15-17
2. Aw. 19:1-3; Rom. 1:19-21,32; 2:12a, 14-15
3. Aw. 19:1-3 at vv. 7-11; Rom. 1:19-21; 2:12a,14-15 at 1:16-17; 3:21
4. Heb. 1:1-2a
5. Heb. 1:1-2a; Gawa 1:21-22; 1 Cor. 9:1; 15:7-8; Ef. 2:20
6. Kaw. 22:19-21; Lu. 1:1-4; 2 Ped. 1:12-15; 3:1; Deut. 17:18ss.; 31:9ss, 19ss.; 1 Cor. 15:1; 2 Tes. 2:1-2,15; 3:17; Rom. 1:8-15; Gal. 4:20; 6:11; 1 Tim. 3:14ss.; Apoc. 1:9,19; 2:1, atbp.; Rom. 15:4; 2 Ped. 1:19-20.
2. Ang Banal na Kasulatan, o Salita ng Diyos na nasulat ay naglalaman ng mga sumusunod na mga aklat na sama-samang bumubuo ng Luma at Bagong Tipan.
Ang Mga Aklat ng LUMANG TIPAN
Genesis | II Mga Cronica | Daniel |
Exodo | Ezra | Oseas |
Levitico | Nehemias | Joel |
Mga Bilang | Esther | Amos |
Deuteronomio | Job | Obadias |
Josue | Mga Awit | Jonas |
Mga Hukom | Mga Kawikaan | Mikas |
Ruth | Eclesiastes | Nahum |
I Samuel | Ang Awit ng mga Awit | Habacuc |
II Samuel | Isaias | Hagai |
I Mga Hari | Jeremias | Zacarias |
II Mga Hari | Mga Panaghoy | Malakias |
1 Mga Cronica | Ezekiel |
Ang Mga Aklat ng BAGONG TIPAN
Mateo | Mga Taga Efeso | Sa Mga Hebreo |
Marcos | Mga Taga Filipos | Santiago |
Lucas | Mga Taga Colosas | I Pedro |
Juan | I Mga Taga Tesalonica | II Pedro |
Ang Mga Gawa | II Mga Taga Tesalonica | I Juan |
Mga Taga Roma | I Timoteo | II Juan |
I Mga Taga Corinto | II Timoteo | III Juan |
II Mga Taga Corinto | Kay Tito | Judas |
Mga Taga Galacia | Kay Filemon | Apocalipsis |
Ang lahat ng mga aklat na ito ay hiningahan ng Diyos para maging tuntunin o pamantayan ng pananampalataya at buhay.(7)
7. 2 Tim. 3:16 at 1 Tim. 5:17; 2 Ped. 3:16
3. Ang mga aklat na karaniwang tinatawag na Apocrypha ay hindi hiningahan ng Diyos at hindi bahagi ng canon o tuntunin ng Kasulatan. Kaya nga ang mga ito ay walang taglay na anumang kapangyarihan sa Iglesia ng Diyos. Dapat lamang na ituring o gamitin ito gaya ng ibang aklat na sinulat ng tao.(8)
8. Lk. 24:27,44; Rom. 3:2
4. Ang Kasulatan ay nagpapatotoo at nagpapatibay sa kanyang sarili. Ang kapamahalaan at kapangyarihan nito ay hindi batay sa patotoo ng sinumang tao o Iglesia,(9) kundi lubos na mula sa Diyos lamang, na may-akda at Siya mismo ang katotohanan. Ito ay dapat tanggapin at sampalatayanan sapagka't ito ay Salita ng Diyos.(10)
9. Lu. 16:27-31; Gal. 1:8-9; Ef. 2:20
10. Mat. 4:1-11; 5:17-18; 13:35; 22:32; 22:41ss.; 26:54; Lu. 16:17; 22:37; Juan 10:35; 13:18; 19:24,34-36; Gawa 1:16; 2:16; 2:24ss.; 4:25; 13:18,34-35; Rom. 1:2; 3:2; 9:17; 15:4; 1 Cor. 10:11; Gal. 3:8,16; 1 Tes. 2:13; 1 Tim. 3:15; 2 Tim. 3:16; 2 Ped. 1:19-21; 1 Juan. 5:9
5. Ang patotoo ng Iglesia ng Diyos ay maaaring makaimpluwensiya at makahikayat sa atin na magbigay ng pinakamataas na paggalang at pagtatangi sa Banal na Kasulatan.(11) Ang makalangit na nilalaman nito ay nagbibigay ng mabisang pagtuturo. Ang paraan ng pagkakasulat ay marangal. Ang bawa't bahagi nito ay nagkakaisa at nagbibigay ng buong luwalhati sa Diyos. Ang Kasulatan ay nagtuturo ng ganap na kaalaman tungkol sa tanging daan ng kaligtasan. Ang mga nabanggit at ang marami pang kadahilanan ay nagpapatunay na ang Kasulatan ay Salita ng Diyos.(12) Gayon pa man, aming kinikilala ang paggawa ng Banal na Espiritu sa aming puso. Ang Banal na Espiritu na nagpapatotoo kasama ng Salita ay nagbibigay ng katiyakan na ang Kasulatan ay walang kamalian at may kapamahalaang galing sa Diyos.(13)
11. 2 Tim. 3:14-15
12. Deut. 31:11-13; Jer. 23:28-29; Mar. 16:15-16; Lu. 16:27-31; Juan 6:63; 20:31; Gal. 1:8-9; Heb. 4:12-13; 1 Ped. 1:23-25
13. Mat. 16:17; Juan 3:3; I Cor. 2:4-5,10-12,14; 1 Tes. 1:5-6; 1 Juan. 2:20-21 at 27
6. Ang kabuuan ng kapahayagan ng Diyos tungkol sa lahat ng bagay na mahalaga sa Kanyang kaluwalhatian, sa kaligtasan, pana-nampalataya at buhay ng tao ay nasa Kasulatan. Ang mga ito ay maliwanag na isinulat o di kaya ay inihayag ng di-tuwiran. Walang anumang maaaring idagdag sa Kasulatan maging ito'y ipinalagay na pahayag ng Espiritu o mga turo ng tao o tradisyon.(14) Gayon pa man, kinikilala namin ang pagpapaunawa ng Banal na Espiritu. Ito ay mahalaga para sa kinakailangang pang-unawa sa mga ipinahayag ng Kasulatan.(15) May mga bahagi ng pagsamba sa Diyos at ng pamamahala ng Iglesia na maaari nating gawin ayon sa pang-unawang Cristiano. Ang lahat ng ito ay dapat maging ayon sa pangkalahatang pagtuturo ng Kasulatan na siyang dapat nating sundin.(16)
14. Deut. 4:2; Aw. 19:7; 119:6,9,104,128; Gawa 20:20,27; Gal. 1:8-9; 2 Tim .3:15-17
15. Juan. 6:45; I Cor. 2:9-12
16. 1 Cor. 14:26,40
7. Ang mga nilalaman ng Kasulatan ay nagkakaiba-iba sa kanilang antas ng kalinawan,(17) at ang ilang mga tao ay may higit na pag-unawa kaysa iba.(18) Gayon man yaong mga bagay na mahalaga sa kaligtasan ng tao na kailangan na malaman, sampalatayanan at isabuhay ay napakalinaw na inihayag at ipinaliwanag sa ilang bahagi. Kaya ang mga taong may pinag-aralan o wala ay magkakaroon ng sapat na pagkaunawa ng mga ito kung sila lamang ay gagamit ng karaniwang pamamaraan.(19)
17. 2 Ped. 3:16
18. 2 Tim. 3:15-17
19. Deut. 30:11-14; Aw. 19:7-8; 119:105; 2 Tim. 3:14-17; 2 Ped. 1:19
8. Ang Lumang Tipan sa Hebreo at Bagong Tipan sa Griego (ibig sabihin ang orihinal na wika bago isinalin sa ibang wika) ay hiningahan ng Diyos.(20) At simula noon, sa pamamagitan ng Kanyang natatanging pag-iingat at probidensiya, ang mga ito ay napanatiling dalisay. Ang mga ito nga ay tunay at totoo, kaya't dapat maging laging bat?an ng pagtatalong pang-relihiyon.(21) Ang Banal na Kasulatan ay mahalaga at kapakipakinabang sa mga mananampalataya kaya ipinag-uutos na basahin(22) at saliksikin ito(23) nang may takot sa Diyos. Dahil hindi lahat ng mga tao ay nakakaunawa ng wikang Hebreo at Griego, ang Kasulatan ay dapat isalin sa lahat ng wika ng tao.(24) Ito'y upang higit na marami ang makaalam ng katotohanan, makakilala at makasamba sa Diyos sa katanggap-tanggap na paraan at sa pamamagitan ng pagtitiis at pag-aliw ng Kasulatan ay magkaroon ng pag-asa.(25)
20. Rom. 3:2
21. Mat. 5:18
22. Isa. 8:20; Juan 10:34-36; Gawa 15:15; 2 Tim. 3:16-17
23. Deut. 17:18-20; Kaw. 2:1-5; 8:34; Juan 5:39,46
24. 1 Cor. 14:6,9,11,12,24,28
25. Rom. 15:4; Col. 3:16
9. Isang tiyak at di-maaaring magkamaling tuntunin na ang Kasulatan ay bibigyang-pakahulugan sa pamamagitan ng Kasulatan. Kaya't kung may pagtatalo ukol sa tunay na kahulugan ng isang bahagi, ang kasagutan ay dapat hanapin sa higit na malinaw na bahagi ng Kasulatan.(26)
26. Isa. 8:20; Juan 10:34-36; Gawa 15:15, 16; 2 Ped. 1:20-21
10. Ang lahat ng pagtatalo sa relihiyon ay dapat tugunin sa pamamagitan ng Kasulatan lamang. Ang mga utos ng anumang kapulungan, kuru-kuro ng mga sinaunang doktrina ng mga tao ay tatangapin o tatanggihan ayon sa hatol ng Kasulatan na ibinigay sa atin ng Banal na Espiritu. At sa kahatulang ito, tayo ay maninindigan.(27)
27. Mat. 22:29-32; Gawa 28:23-25; Ef. 2:20
Share This Page Using: |
|
The Reformed Reader Home Page
Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved |