committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

 

KABANATA 5:  PROBIDENSIYA NG DIYOS

1. Sa Kanyang walang hanggang kapangyarihan at karunungan(1) ay nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay.(2) Siya rin ang umaalalay, namamatnugot, nangangasiwa, at namamahala(3) sa lahat ng ito, may buhay man o wala, dakila man o munti.(4) Ito ang Kanyang probidensiya na sakdal sa karunungan at kabanalan,(5) at sumasang-ayon sa Kanyang di-nagkakamaling paunang kaalaman at sa malaya at di-nagbabagong kalooban.(6) Isinasakatuparan Niya ang layunin ng pagkalikha sa lahat ng bagay upang ang Kanyang karunungan, kalakasan at katarungan, kasama ang Kanyang walang hanggang kabutihan at kaawaan, ay mapapurihan at maluwalhati.(7)

  1. Gen. 1:31; 2:18; Aw. 119:68
  2. Aw. 66:7; 145:11; Kaw. 3:19
  3. Job 38-41; Aw. 135:6; Isa. 46:10-11; Dan. 4:34-35; Gawa 17:25-28; Heb. 1:3;
  4. Mat. 10:29-31
  5. Aw. 104:24; 145:17; Kaw. 15:3;
  6. Aw. 33:10; Ef. 1:11
  7. Gen. 45:7; Aw. 145:7; Isa. 63:14; Gawa 17:24-28; Rom. 9:17; Ef. 3:10; Col. 1:16-17;

2. Walang nangyayari na nagkakataon lamang at hindi sakop ng probidensiya ng Diyos. Ang Panginoon ang Unang Sanhi ng lahat ng pangyayari. Gayon man, sa pamamagitan ng Kanyang probidensiya,(8) ang Diyos ay nangangasiwa ng mga ito sa pamamaraang ang ikalawang sanhi ay nagbibigay ng kanilang bahagi. Sila ay kumikilos na walang pagbabagong utos o malaya o nakabatay sa ibang sanhi.(9)

  1. Kaw. 16:33; Gawa 2:23
  2. Gen. 8:22; Ex. 21:13; Deut. 19:5; Ruth 2:3; 1 Hari 22:28,34; Kaw. 20:18; 21:31; Isa. 10:6-7; Jer. 31:35; Mat. 5:20-21; Lu. 13:3,5; 14:25ss.; Gawa 27:31; Fil. 1:19

3. Karaniwan sa Kanyang probidensiya, ang Diyos ay gumagamit ng mga kasangkapan.(10) Nguni't Siya ay malaya na gumawa kahit wala ang mga ito,(11) o higit sa kanilang kakayahan(12) o salungat sa kanilang kalikasan.(13)

  1. Isa. 55:10,11; Oseas 2:21-22; Gawa 27:22,31,44
  2. Oseas 1:7; Lu. 1:34-35
  3. Rom. 4:19-21
  4. Ex. 3:2-3; 2 Hari 6:6; Dan. 3:27

4. Ang kapangyarihan ng Diyos, di-masayod na karunungan at walang hanggang kabutihan ay umaabot at sumasakop sa lahat. Anupa't ang pagkahulog ng unang tao sa kasalanan at ang lahat ng kasalanang ginagawa ng mga anghel at mga tao,(14) ay saklaw ng Kanyang makapangyarihang layunin. Hindi ito pagbibigay-pahintulot lamang. Sa iba't ibang paraan ay Kanyang binibigyang hangganan at pinamamahalaan ang mga masamang gawa upang ito ay mauwi sa Kanyang itinalagang banal na layunin.(15) Gayon man ang kasalanan ay mula lamang sa mga anghel at mga tao at hindi sa Diyos na yamang banal at matuwid ay hindi maaaring gumawa o sumang-ayon sa kasalanan.(16)

  1. 2 Sam. 16:10; 24:1; 1 Hari 22:22-23; 1 Cron. 21:1; Gawa 2:23; 4:27-28; Rom. 11:32-34;
  2. Gen. 50:20; 2 Hari 19:28; Aw. 76:10; Isa. 10:6,7,12; Gawa 14:16
  3. Aw. 50:21; San. 1:13,14,17; 1 Juan. 2:16

5. Ang Diyos na pinakamarunong sa lahat, matuwid at mapagbiyaya ay may pagkakataon na pinahihintulutan ang Kanyang mga anak na mahulog sa iba't ibang uri ng tukso upang maranasan ang pagkamakasalanan ng kanilang sariling mga puso. Ito ay bilang pagdidisiplina sa kanila dahil sa ginawang kasalanan o kay?ay pagtuturo ng kababaang-loob sa pagpapakita sa kanila ng natatagong kasamaan at daya na nananatili sa kanilang puso. Layunin din Niya na kanilang makita ang lubos nilang pangangailangan sa Diyos sa lahat ng oras. Tutulong ito sa kanila na magbantay laban sa pagkakasala sa hinaharap. Sa ganito at sa iba pang mga kaparaanan, ang Kanyang matuwid at mga banal na layunin ay naisasagawa.(17) Kaya nga ang lahat ng nangyayari sa Kanyang mga hinirang ay sa pamamagitan ng Kanyang pagtatakda, sa Kanyang ikaluluwalhati at sa kanilang ikabubuti.(18)

  1. 2 Sam. 24:1; 2 Cron. 32;25-31; Mar. 14:66-67; Lu. 22:34-35; Juan 21:15-17; 2 Cor. 12:7-9
  2. Rom. 8:28

6. Ang Diyos na matuwid na hukom ay may ibang pakikitungo sa mga masama at di-makadiyos na tao. Ginagantihan Niya sila ng pagkabulag at katigasan ng puso(19) dahil sa kanilang kasalanan. Hindi Niya ipinagkakaloob sa kanila ang biyaya na maaaring magbigay liwanag sa kanilang isip at gumawa sa kanilang puso,(20) at may pagkakataon din na Kanyang binabawi ang kaloob na ibinigay sa kanila.(21) Gayon din, inilalagay sila ng Diyos sa isang kalagayan na pumupukaw sa kanilang puso na magkasala.(22) Samakatuwid baga'y Kanyang iniiwan sila sa kanilang sariling kabulukan, sa mga tukso sa sanlibutan at sa kapangyarihan ni Satanas,(23) na nagbubunga ng kanilang pagmamatigas, sa pamamagitan ng paggamit ng mga mismong kasangkapan na ginagamit ng Diyos para sa pagpapalambot ng mga puso ng mga iba.(24)

  1. Rom. 1:24-28; 11:7-8
  2. Deut. 29:4;
  3. Mat. 13:12; 25:29
  4. Deut. 2:30; 2 Hari 8:12-13
  5. Aw. 81:11-12; 2 Tes. 2:10-12
  6. Ex. 7:3; 8:15,32; Isa. 6:9-10; 8:14; Juan 12:39-40; Gawa 28:26-27; 2 Cor .2:15-16; 1 Ped. 2:7

7. Ang pangkabuuang probidensiya ng Diyos ay sumasaklaw sa lahat na nilikha. Nguni't ang namumukod-tanging paraang ito ay ginagawa sa pag-iingat ng Kanyang iglesia. Ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan para sa ikabubuti ng Iglesia.(25)

  1. Kaw. 2:7-8; Isa. 43:3-5,14; Amos 9:8-9; Rom. 8:28; Ef. 1:11,22; 3:10-11,21; 1 Tim. 4:10
 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved