committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

 

KABANATA 6:  ANG PAGKAHULOG NG TAO: ANG KASALANAN AT ANG KAPARUSAHAN NITO

1. Ang tao ay nilikha ng Diyos na matuwid at ganap. Ang matuwid na kautusan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay nagsasaad ng buhay na nakasalalay sa kanyang pagsunod, at nagbabanta ng kamata-yan kung siya ay susuway.(1) Ang pagsunod ni Adan ay hindi nagtagal. Ginamit ni Satanas ang katusuhan ng ahas upang tuksuhin si Eba na magkasala. Pagkatapos nito si Eba naman ang humikayat sa kanyang asawa na si Adan na magkasala. Kusang-loob na sinuway ni Adan ang kautusang nakasulat sa kanyang puso at kanya ring kinain ang ipinagbabawal na bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.(2) Pinahintulutan ng Diyos na maganap ang lahat na ito bilang katuparan ng Kanyang matalino at banal na layunin. Kanyang pinamamahalaan ang lahat ng ito para sa Kanyang Sariling kaluwalhatian.(3)

  1. Gen. 2:16-17; 4:25-5:3; Ec. 7:29; Rom. 5:12a,14-15
  2. Gen. 3:1-7,12-13; 2 Cor. 11:3; 1 Tim. 2:14
  3. 2 Sam. 16:10; 24:1; 1 Hari 22:22-23; 1 Cron. 21:1; Gawa 2:23; 4:27-28; Rom. 11:32-34

2. Dahil sa kasalanang ito ay nawala ang dating katuwiran at pakikisama sa Diyos ng ating unang mga magulang. Kasangkot tayong lahat sa kanilang kasalanan. Dahil dito, nararanasan ng lahat ang kamatayan.(4) Ang lahat ng mga tao ay naging patay dahil sa kasalanan at ang kanilang buong katawan at kaluluwa ay lubusang nadungisan.(5)

  1. Gen. 3:22-24; 8:21; Aw. 51:4-5; 58:3; Kaw. 22:15; Rom. 3:23; 5:12ss.; 1 Cor. 15:20-22; Ef. 2:1-3
  2. Gen. 2:17; 6:5; Jer. 17:9; Juan 5:40; Rom. 1:21; 3:10-19; 8:7; Ef. 2:1; 4:17-19; Tit. 1:15

3. Ang lahat ng tao ay nanggaling kina Adan at Eba. Sila ang kumakatawan sa buong sangkatauhan. Dahil dito, ang lahat ng tao ay ibinilang sa kanilang sala. Gayon din, mula sa kapanganakan, ang lahat ng tao ay may masamang likas na galing sa unang mga magulang. Dahil dito, ang lahat ay sumasailalim sa kapootan ng Diyos, mga alipin ng kasalanan at mga nasa ilalim ng kapangyarihan ng kamatayan. Ito rin ang dahilan ng pagdanas ng tao ng lahat ng uri ng kahirapan, espiritual at pisikal, ngayon at magpakailanman. Tanging ang Panginoong Jesu-Cristo ang makapagpapalaya sa tao mula sa lahat na ito.(6)

  1. Job 14:4; 15:14; Aw. 51:4-5; 58:3; Kaw. 22:15; Rom. 5:12-19; 1 Cor. 15:21-22,45,49; Ef. 2:1-3; 1 Tes. 1:10; Heb. 2:14-15

4. Ang mga kasalanang ginagawa ng mga tao ay bunga ng kanilang masamang kalikasan.(7) Dahil sa kasamaang ito, ang lahat ng mga tao ay nakahilig sa lahat ng kasamaan; sinisira sila ng kasalanan. Sila ay lubos na walang pagnanais na gumawa ng mabuti at salungat sila sa lahat ng kabutihan.(8)

  1. Mat. 7:17-20; 12:33-35; 15:18-20
  2. Mat. 7:17-18; 12:33-35; Lu. 6:43-45; Juan 3:3,5; 6:37,39-40,44-45,65; Rom. 3:10-12; 5:6; 7:18; 8:7-8; 1 Cor. 2:14

5. Sa buhay na ito, ang kasamaan ng kalikasan ay nananatili sa mga ipinanganak na muli.(9) Bagama't ang mga ito ay pinatawad at pinatay sa pamamagitan ni Cristo, gayon man ang masamang likas na ito at lahat ng kanyang mga gawa ay tunay at totoong kasalanan.(10)

  1. 1 Hari 8:46; Aw. 130:3; 143:2; Kaw. 20:9; Ec. 7:20; Rom. 7:14-25; San. 3:2; 1 Juan 1:8-10
  2. Gen. 8:21; Aw. 51:4-5; Kaw. 15:26; 22:15; Mat. 5:27-28; Rom. 7:5,7-8, 17-18,23-25; 8:3-13; Gal. 5:17-24; Ef. 2:3
 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved