committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

 

KABANATA 8:  SI CRISTO - ANG TAGAPAMAGITAN

1. Ayon sa kasunduan ng Ama at Anak noong walang hanggang pasimula ay ikinalugod ng Diyos(1) na piliin at italaga ang Panginoong Jesus, ang Kanyang bugtong na Anak,(2) na maging Tagapamagitan sa Diyos at sa tao;(3) na Siyang Propeta,(4) Saserdote(5) at Hari(6), Puno at Tagapagligtas ng Kanyang Iglesia(7). Siya rin ang Tagapagmana ng lahat ng bagay(8) at Hukom ng sanlibutan.(9) Ibinigay ng Ama kay Cristo mula sa walang hanggang pasimula ang mga hinirang upang maging mga anak ng Diyos. Si Cristo naman, sa takdang panahon, ay tumubos, tumawag, umaring-ganap, nagpabanal at lumuwalhati sa kanila.(10)

  1. Isa. 42:1; Juan 3:16; 1 Ped. 1:19-20
  2. Aw. 110:4; Heb. 7:21-22
  3. 1 Tim. 2:5;
  4. Gawa 3:22;
  5. Heb. 5:5-6
  6. Aw. 2:6; Lu. 1:32-33
  7. Ef. 1:22-23
  8. Heb. 1:2
  9. Gawa 17:31
  10. Aw. 22:30; Isa. 53:10; 55:4-5; Juan 17:6; Rom. 8:30; 1 Cor. 1:30; 1 Tim. 2:6

2. Ang Anak ng Diyos, ang ikalawang Persona sa banal na Trinidad, ay ang tunay at walang hanggang Diyos. Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Ama, isa sa kabuuan at kapantay Niya. Siya ang lumikha ng sanlibutan, umaalalay at namamahala sa lahat ng Kanyang ginawa.(11) Siya, sa takdang panahon,(12) ay nagkatawang-tao, taglay ang lahat ng katangian(13) at kahinaan nito,(14) nguni't walang kasalanan.(15) Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa bahay-bata ng Birheng Maria, isang babae mula sa angkan ni Juda. Kaya nga, gaya ng sinasabi ng Kasulatan, Siya ay ipinanganak ng isang babae na nagmula kay Abraham at David.(16) Sa ganitong paraan, ang dalawang kalikasan, ganap at magka-iba, ay pinag-isa sa iisang Persona. Ang dalawang kalikasan ay hindi nagbabago at hindi naghahalo. Kaya nga-yon, ang Anak ng Diyos ay tunay na Diyos(17) at tunay na tao,(18) nguni't isang Cristo. Siya ang tanging Tagapamagitan sa Diyos at sa tao.(19)

  1. Aw. 102:25 at Heb. 1:10; Isa. 8:12-13 at 3:15; Joel 2:32 at Rom. 10:13; Juan 1:1; 5:18; 8:58; 20:28; Rom. 9:5; Fil. 2:5-6; Tit. 2:13; Heb. 1:8-9; 1 Ped. 2:3 at Aw. 34:8; 2 Ped. 1:1; 1 Juan 5:20
  2. Gal. 4:4
  3. Mat. 4:1-11; 9:10-13,36; 11:19; 26:12,26,36-34,39; Mar. 3:5; 14:8; Lu. 2:40,52; 5:16; 7:44-46; 9:18,28; 10:21; 19:41-44; 22:44; 23:46; Juan 11:35; 13:23; 19:30; Heb. 2:10; 4:15 (at San. 1:13); 5:8; 10:5; San. 2:26; 1 Ped. 3:18; 4:1
  4. Mat. 4:2; 8:24; 21:18; Mar. 11:12; Juan 4:6-7; 19:28; Rom. 8:3; Gal. 4:4; Heb. 2:10,18; 5:8
  5. Isa. 53:9; Lu. 1:35; Juan 8:46; 14:30; Rom. 8:3; 2 Cor. 5:21; Heb. 4:15; 7:26; 9:14; 1 Ped. 1:19; 2:22; 1 Juan 3:5
  6. Rom. 1:3-4; 9:5
  7. pareho sa bilang 11.
  8. Gawa. 2:22:13:38; 17:31; 1 Cor. 15:21; 1 Tim. 2:5
  9. Rom. 1:3-4; Gal. 4:4-5; Fil. 2:5-11

3. Ang Panginoong Jesus, Diyos at tao, ay ibinukod at pinahiran ng puspos ng Banal na Espiritu. Nasa Kanya ang lahat ng karunu-ngan at kaalaman. Ikinalugod ng Ama na ang buong kapuspusan ng biyaya at katotohanan ay manahan sa Kanya. Palibhasa'y banal, walang sala, walang dungis, kaya Siya ay naging karapat-dapat na tumupad ng gawain ng isang tagapamagitan at tagapanagot.(20) Hindi Niya itinalaga ang Kanyang sarili sa gawaing ito kundi Siya'y tinawag at sinugo ng Kanyang Ama. Ang Kanyang Ama ay nagkaloob sa kanya ng buong kapangyarihan at paghatol. Gayon din, inatasan Siya na gamitin ang mga ito.(21)

  1. Aw. 45:7; Juan 1:14; Gawa 10:38; Col. 1:19; 2:3; Heb. 7:22,26
  2. Mat. 28:18; Juan 5:22, 27; Gawa 2:36; Heb. 5:5

4. Kusang-loob na ginanap ng Panginoong Jesus ang tungkulin ng isang tagapamagitan.(22) Upang matupad Niya ito, nagpasakop Siya sa kautusan ng Diyos(23) na Kanyang lubusang ginanap. Dinala Niya ang parusa na dapat ay pagdusahan natin(24) sapagka't Siya ay inaring may sala at isinumpa Siya alang-alang sa atin.(25) Tiniis Niya ang lubhang kalungkutan sa Kanyang kaluluwa, at pinakamasakit na pagdurusa sa Kanyang katawan.(26) Siya'y ipinako sa krus at namatay. Patay Siya nguni't hindi nabulok ang Kanyang katawan.(27) Nang ikatlong araw, Siya ay bumangon mula sa patay sa gayon ding katawan na dumanas ng hirap,(28) at Siya ay umakyat sa langit(29) at umupo sa kanan ng Kanyang Ama, at namamagitan para sa Kanyang hinirang.(30) Sa katapusan ng mundo, babalik Siya upang hatulan ang mga tao at mga anghel.(31)

  1. Aw. 40:7,8 at Heb. 10:5-10; Juan 10:18; Fil. 2:8
  2. Gal. 4:4
  3. Isa. 53:6; Mat. 3:15; 5:17; 1 Ped. 3:18
  4. 2 Cor. 5:21; Gal. 3:10,13
  5. Mat. 26:37,38; 27:46; Lu. 22:44
  6. Gawa 13:37; Fil. 2:8
  7. Juan 20:25,27; 1 Cor. 15:3-4
  8. Mar. 16:19; Gawa 1:9-11
  9. Rom. 8:34; Heb. 9:24
  10. Mat. 13:40-42; Gawa 1:11; 10:42; Rom. 14:9,10; 2 Ped. 2:4; Jud. 6

5. Binigyan ng Panginoong Jesus ng buong kasiyahan ang lahat ng hinihingi ng katarungan ng Diyos,(32) sa pamamagitan ng Kanyang lubusang pagtupad sa kautusan ng Diyos,(33) at sa paghahandog minsan magpakailanman ng Kanyang sarili sa Diyos sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu.(34) Nakapagdulot Siya ng pagkakasundo(35) at binili Niya ang isang walang hanggang mana sa kaharian ng langit(36) para sa lahat ng ibinigay sa Kanya ng Ama.(37)

  1. Rom. 3:25,26; Heb. 2:17; 1 Juan 2:2; 4:10
  2. Rom. 5:19; Ef. 5:2
  3. Heb. 9:14,16; 10:10,14
  4. 2 Cor. 5:18-19; Col. 1:20-23
  5. Heb. 9:15; Apoc. 5:9-10
  6. Juan 17:2

6. Ang halaga ng katubusan ay hindi agad binayaran ni Cristo hanggang sa Siya ay nagkatawang-tao. Gayon pa man, ang halaga, bisa at kapakinabangan ng Kanyang pagtubos ay ibinigay sa lahat ng Kanyang hinirang sa lahat ng panahon mula pa nang lalangin ang sanlibutan.(38) Ito ay naganap sa pamamagitan ng mga pangako, halimbawa at sakripisyo na sa mga ito Siya ay nahahayag. Siya ang itinuring na binhi ng babae na dudurog sa ulo ng ahas(39) (ang diablo). Siya rin ang kordero na pinatay buhat nang itatag ang sanlibutan(40) at Siya rin ang kahapon, ngayon at magpakailanman.(41)

  1. Rom. 4:1-9; Gal. 4:4-5; Heb. 4:2; 13:8;
  2. Gen. 3:15; 1 Ped. 1:10,11
  3. Apoc. 13:8
  4. Heb. 13:8

7. Si Cristo, bilang tagapamagitan sa Diyos at sa tao, ay guma-gawa ayon sa Kanyang dalawang kalikasan, pagka-Diyos at pagka-tao. Ang bawa't kalikasan ay gumaganap ng nararapat. Gayon man, dahil sa pagkakaisa ng Kanyang Persona, ang bagay na nararapat sa isang kalikasan, sa Banal na Kasulatan, kung minsan ay iginagawad sa Persona sa ikalawang kalikasan.(42)

  1. Juan. 3:13; Gawa 20:28

8. Tiyak at mabisang ibinigay at ipinahayag ni Cristo ang walang hanggang katubusan sa lahat ng Kanyang hinirang.(43) Siya ay namamagitan para sa kanila.(44) Pinag-isa Niya sila sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.(45) Hinihikayat Niya sila na sumampalataya at sumunod,(46) na pinamamahalaan ang kanilang puso ng Kanyang Salita at Espiritu.(47) Pinananagumpayan Niya ang lahat nilang mga kaaway sa pamamagitan ng Kanyang dakilang kapangyarihan at karunungan.(48) Ginagamit Niya ang mga pamamaraan na ayon sa Kanyang kahanga-hanga at di-malirip na pamamahala.(49) Ang lahat ng ito ay naisasakatuparan sa Kanyang malaya at lubos na biyaya, na walang nakitang kabutihan at pananampalataya sa Kanyang mga hinirang.(50)

  1. Juan 6:37, 39; 10:15-16; 17:9
  2. Rom. 8:34; 1 Juan 2:1-2
  3. Rom. 8:1-2
  4. 1 Juan 5:20
  5. Juan 14:16; 15:13,15; 17:6,17; Rom. 8:9,14, 15:18-19; 2 Cor. 4:13; Ef. 1:7-9
  6. Aw. 110:1l 1 Cor. 15:25-26; Col. 2:15
  7. Ef. 1:9-11
  8. Ef. 1:8; 1 Juan 3:8

9. Si Cristo, at Siya lamang, ang nararapat na maging Tagapamagitan sa Diyos at tao. Siya ang Propeta, Saserdote at Hari ng Iglesia ng Diyos. Ang kabuuan o bahagi man ng Kanyang panunungkulan ay hindi maaaring ilipat sa kanino man.(51)

  1. 1 Tim. 2:5

10. Ang tatlong panunungkulan ni Cristo ay kailangan para sa atin. Dahil sa ating kamangmangan, kailangan natin ang Kanyang pagka-propeta.(52) Dahil sa ating pagkahiwalay sa Diyos at kakulangan ng lubos na paglilingkod, kailangan natin ang pagkasaserdote ni Cristo upang mapagkasundo tayo sa Diyos at maging katanggap-tanggap sa Kanya.(53) Dahil sa ating paglayo sa Diyos at kawalang-kakayahan na bumalik sa Kanya at dahilan din sa kailangan natin na mailigtas at maingatan sa ating mga espirituwal na kaaway, kailangan natin ang Kanyang pagkahari upang sumumbat, manaig, magdala, umalalay, magligtas at mag-ingat sa atin, hanggang sa Kanyang makalangit na kaharian.(54)

  1. Juan 1:18
  2. Gal. 5:17; Col. 1:21; Heb. 10:19-21
  3. Aw. 110:3; Lu. 1:74-75; Juan 16:8
 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved