committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

 

KABANATA 10:  MABISANG PAGTAWAG

1. Ang mga itinalaga ng Diyos sa buhay,(1) sa takdang panahon,(2) ay mabisang tinatawag(3) sa pamamagitan ng Kanyang Salita(4) at Espiritu.(5) Tinatawag Niya sila mula sa dating kalagayan ng kasalanan at kamatayan tungo sa biyaya at kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.(6) Ang kanilang isipan ay binigyan ng espirituwal na kaliwanagan at silang iniligtas ay nakauunawa na ng mga bagay ng Diyos.(7) Inaalis Niya ang kanilang pusong bato at binibigyan sila ng pusong laman.(8) Binabago Niya ang kanilang kalooban at sa pamamagitan ng Kanyang dakilang kapangyarihan, pinagnanais Niya sila na hanapin ang mabuti. Makapangyarihang inilalapit Niya sila kay Jesu-Cristo.(9) Kung magkagayon, kusa silang lumalapit dahil sa pagbabago ng kanilang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.(10)

  1. Rom. 8:28-30; 9:7,22-24; 1 Cor. 1:26-28; 2 Tes. 2:13-14; 2 Tim. 1:9
  2. Juan 3:8; Ef. 1:10-11
  3. Aw. 29; Mat. 22:14; Juan 5:25; Rom. 1:6; 4:17; 1 Cor. 1:23-24; Jud. 1
  4. Rom. 1:16-17; 10:14; 2 Tes. 2:14; Heb. 4:12; San. 1:17-25; 1 Ped. 1:23-25; 1 Juan 5:1-5
  5. Juan 3:3,5,6,8; 2 Cor. 3:3,6
  6. Rom. 8:2; 1 Cor. 1:9; Ef. 2:1-6; 2 Tim. 1:9-10
  7. Gawa 26:18; 1 Cor. 2:10,12; Ef. 1:17-18
  8. Ez. 36:26
  9. Deut. 30:6; Ez. 36:27; Juan 6:44-45; Ef. 1:19; Fil. 2:13
  10. Aw. 110:3; Juan 6:37; Rom. 6:16-18

2. Ang mabisa at makapangyarihang pagtawag ng Diyos ay sa Kanyang malaya at natatanging biyaya lamang. Ito ay isang gawain na hindi batay sa anumang nakitang mabuti sa tao, ni mula sa anumang kalakasan o kakayahan na taglay niya.(11) Ang tao ay patay sa kasalanan at pagsalangsang. Kaya nga ang tao ay lubos na walang bahagi sa gawa ng kaligtasan maliban na siya ay bigyan ng buhay at baguhin ng Banal na Espiritu.(12) Ang kapangyarihan na nagbibigay kakayahan sa kanya na tumugon sa tawag ng Diyos, at tanggapin ang biyayang ipinagkakaloob nito ay walang iba kundi yaong buhat sa pagkabuhay ni Cristo mula sa mga patay.(13)

  1. Rom. 9:11; Ef. 2:4-5,8-9; 2 Tim. 1:9; Tit. 3:4-5
  2. Rom. 8:7; 1 Cor. 2:14; Ef. 2:5;
  3. Ez. 36:27; Juan 5:25; 6:37; Ef. 1:19-20

3. Ang mga hinirang na sanggol na namatay sa kanilang pagka-sanggol ay ipinanganganak na muli at inililigtas ni Cristo sa pamamagitan ng Espiritu. Ang Espiritu ay gumagawa saanman, kailanman at sa anumang paraang naisin Niya. Ang gayon ay totoo sa lahat ng hinirang na tao na hindi kayang matawag ng panlabas na pangangaral ng Salita ng Diyos.(14)

  1. Juan 3:8 (Bagaman ibinibigay ng Pagpapahayag ang talatang ito bilang katunayan, ito'y walang tahasang kinalaman sa talatang ito. Walang sinasabi ang Biblia ukol sa tanong na ito at mabuti pa sana kung ang Pagpapahayag ay wala ring sinabing anuman.)

4. Ang mga taong hindi hinirang ay maaaring matawag sa pamamagitan ng pangangaral ng Salita ng Diyos. Maaari rin silang makaranas ng karaniwang paggawa ng Banal na Espiritu.(15) Gayon ma'y hindi sila mabisang dinadala kay Cristo. Ni hindi sila lalapit sa Kanya, kung kaya't hindi sila maaaring maligtas.(16) Walang taong maliligtas maliban na siya ay magtiwala kay Cristo lamang. Anumang pagsisikap ang gawin nila upang mabuhay ayon sa kanilang sariling pagkaunawa at sa pagtuturo ng relihiyong kanilang pinaniniwalaan, hindi sila maliligtas.(17)

  1. Mat. 7:22; 13:20-21; 22:14, Heb. 6:4-5
  2. Juan 6:44-45, 64-66; 8:24; 1 Juan 2:24-25
  3. Gawa 4:12; Juan 4:22, 17:3
 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved