committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

 

KABANATA 11:  ANG PAGKA-ARING GANAP

1. Ang mabisa at makapangyarihang mga tinatawag ng Diyos ay Kanya ring inaaring-ganap na walang bayad.(1) Hindi pa sila lubusang ginagawang matuwid nguni't ipinatatawad ang kanilang mga kasalanan, at ibinibilang at tinatanggap silang matuwid.(2) Hindi ito dahil sa anumang ginawa sa kanila, o ginawa nila, kundi alang-alang kay Cristo lamang.(3) Ang katuwiran na itinuring sa kanila ay hindi ang kanilang pananampalataya, ni hindi ang gawa ng pagsampalataya, ni anumang pagsunod sa Salita ng Diyos. Sila ay inaring-ganap ng lubusan dahil lamang sa katuwiran ni Cristo na ibinilang ng Diyos sa kanila. Ibinibilang sa kanila ang tumatalimang pagsunod ni Cristo sa buong kautusan ng Diyos at ang tumatanggap na pagsunod Niya sa Kanyang kamatayan. Yaong mga inaring-ganap ay silang tumatanggap at nananalig sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at sa Kanyang katuwiran. Ito ay hindi sa kanilang sarili, ito ay kaloob ng Diyos.(4)

  1. Rom. 3:24, 8:30
  2. Rom. 4:5-8; Ef. 1:7
  3. 1 Cor. 1:30-31; Rom. 5:17-19;
  4. Jer. 23:6; Gawa 13:38-39; Rom. 3:22-28; 2 Cor. 5:19-21; Ef. 2:8-10; Fil. 3:9; Tit. 3:5,7

2. Ang pananampalataya na tumatanggap at nananalig kay Cristo at sa Kanyang katuwiran ay ang tanging paraan ng pagka-aring ganap.(5) Gayon ma'y hindi ito mag-isa sa taong inaring-ganap, kundi laging kasama ang mabubuting gawa. Hindi ito patay na pananampalataya, sapagka't ito ay gumagawa ng may pag-ibig.(6)

  1. Rom. 1:17; 3:27-31; Gal. 3:5; Fil. 3:9
  2. Gal. 5:6; San. 2:17-26

3. Binayaran ni Cristo ng buo ang pagkakautang ng lahat ng mga inaring-ganap sa pamamagitan ng Kanyang pagsunod at kamatayan. Inihandog ni Cristo ang Kanyang sarili bilang hain sa krus. Ang parusang nararapat sa mga inaring-ganap ay tinanggap Niya sa halip nila. Kanyang lubos at ganap na binigyang kasiyahan ang lahat ng mga hinihingi ng katarungan ng Diyos sa kanila.(7) Gayon pa man, ang kanilang pagka-aring ganap ay sa pamamagitan ng walang bayad na biyaya lamang.

Unang-una, ipinagkaloob ng Ama si Cristo sa kanila.(8)

Pangalawa, tinanggap ng Diyos ang pagsunod ni Cristo at ang Kanyang pagbibigay-kasiyahan sa mga hinihingi ng kautusan para sa kanila.(9)

Pangatlo, walang anuman sa kanila ay marapat sa mga kaawaang ito.(10)

Kaya ang katarungan at biyaya ng Diyos ay kapwa naluluwalhati sa pagka-aring ganap ng makasalanan.(11)

  1. Isa. 53:4-6, 10-12; Rom. 5:8-10,19; 1 Tim. 2:5-6; Heb. 10:10,14
  2. Rom. 8:32
  3. Mat. 3:17; 2 Cor. 5:21; Ef. 5:2
  4. Rom. 3:24; Ef. 1:7
  5. Rom. 3:26; Ef. 2:7

4. Itinakda ng Diyos mula sa walang hanggang pasimula na ariing-ganap ang lahat ng mga hinirang.(12) Sa takdang panahon, si Cristo ay namatay dahil sa kanilang mga kasalanan at bumangon mula sa mga patay para sa kanilang ika-aaring-ganap.(13) Gayon pa man, hindi pa sila inaaring-ganap hanggang sa tamang panahon na bigyang-bisa ng Banal na Espiritu ang Persona at gawa ni Cristo sa kanila.(14)

  1. Rom. 8:30; Gal. 3:8; 1 Ped. 1:2, 19-20
  2. Rom. 4:25; Gal. 4:4; 1 Tim. 2:6
  3. Gal. 2:16; Ef. 2:1-3; Col. 1:21-22; Tit. 3:4-7

5. Patuloy na pinatatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng lahat ng mga inaring-ganap.(15) Hindi kailanman mawawala ang kanilang pagkaaring-ganap(16) subali't dahil sa kasalanan ay maaari silang mapasailalim ng disiplina ng Diyos bilang Ama.(17) Sa ganitong kalagayan, hindi karaniwang ibinabalik ng Diyos ang Kanyang kaluguran sa kanila hangga't hindi sila magpakumbaba sa kanilang sarili, magpahayag ng kanilang kasalanan, humingi ng patawad ng Diyos, at gisinging muli ang kanilang pananampalataya at pagsisisi.(18)

  1. Mat. 6:12; Juan 13:3-11; 1 Juan 1:7-2:2
  2. Lu. 22:32; Juan 10:28; Heb. 10:14
  3. Aw. 89:31-33; Heb. 12:6
  4. Aw. 32:5; 51:7-12; Lu. 1:20; Mat. 26:75

6. Kung papaano inaring-ganap ang mga mananampalataya nang panahon ng Bagong Tipan ay gayon din ang mga mananampalataya nang panahon ng Lumang Tipan.(19)

  1. Rom. 4:22-24; Gal. 3:9
 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved