|
Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689
A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith
1. Ang mga kalakip kay Cristo, na mabisa at makapangyarihang tinawag at ipinanganak na muli, ay may bagong puso at bagong espiritu na nilikha sa kanila.(1) Sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu na nananahan sa kanila,(2) ang gawain ng pagiging banal sa kanila ay nagpapatuloy.(3) Ang lahat ng mga pagpapalang ito ay sa kanila dahil sa mga kagalingan ng pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli ni Cristo.(4) Ang paghahari ng kasalanan sa kanila ay lubusang nawasak. Ang masasamang pita ay patuloy na pinahihina at pinapatay. Ang mga pagpapala ng kaligtasan ay patuloy na pinasisigla at pinatitibay sa mga mananampalataya. Ang paggawa ng tunay na kabanalan,(5) na kung wala ito ay walang sinumang makakakita sa Panginoon,(6) ay itinataguyod.
- Juan 3:3-8; Gawa 20:32; 26:18; Rom. 1:7; 15:16; 1 Cor. 1:2: 6:11; 2 Cor. 1:1; Ef. 1:1; Fil. 1:1; Col. 3:12; 1 Juan 2:29; 3:9-10
- Juan 17:17; Rom. 8:13; Ef. 5:26; 3:16-19
- Rom. 6:19,22; 1 Tes. 5:23
- Rom. 6:1-11;
- Rom. 6:13,14; 8:13; 2 Cor. 7:1; Gal. 5:17,24; Ef. 3:16-19; 4:22-25; Col. 1:11
- Heb. 12:14
2. Ang pagiging banal ay may epekto sa buong pagkatao subali't hindi pa ganap sa buhay na ito. Ang nananatiling kasamaan ng kasalanan ay patuloy na dumudungis sa buong pagkatao.(7) Kaya't mayroong nagpapatuloy na pakikipagbaka sa loob nila na hindi maaaring pagkasunduin.(8) Ang dahilan ay ang laman ay nagnanasa laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman.(9)
- Rom. 7:18,23; Fil. 3:12; 1 Tes. 5:23; 1 Juan 1:8,10
- 1 Cor. 9:24-27; 1 Tim. 1:18; 6:12; 2 Tim. 4:7
- Gal. 5:17; 1 Ped. 2:11
3. Sa pakikipagbaka ng laman sa Espiritu, ang nananatiling kasamaan ng kasalanan ay maaaring pansamantalang magtagumpay.(10) Datapuwa't ang patuloy na pagpapalakas ng nagpapabanal na Espiritu ni Cristo ay nagbibigay ng tagumpay sa isang bagong nilalang.(11) At sa gayon, ang mga banal ay lumalago sa biyaya, na pinasasakdal ang kabanalan sa takot sa Diyos. Hinahanap nila ang makalangit na buhay, na may kusang pagsunod sa lahat ng mga utos sa Kanyang Salita na ibinigay sa kanila ni Cristo na Pangulo at Hari.(12)
- Rom. 7:23
- Rom. 6:14; Ef. 4:15-16; 1 Juan 5:4
- Mat. 28:20; 2 Cor. 3:18, 7:1; 2 Ped. 3:18
The Reformed Reader Home Page
Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved |