|
Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689
A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith
1. Ang biyaya ng pananampalataya ay gawa ng Espiritu sa puso ng mga hinirang. Sa pamamagitan nito, sila ay maaaring manampalataya sa ikaliligtas ng kanilang kaluluwa.(1) Ito ay karaniwang nangyayari sa pamamagitan ng pangangaral ng Salita ng Diyos.(2) Gayon din, sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbabautismo at pagdiriwang ng Banal na Hapunan, sa panalangin at sa iba pang paraang itinalaga ng Diyos, napalalago at napagtitibay ang pananampalataya.(3)
- Juan 6:37,44; Gawa 11:21,24; 13:48; 14:27; 15:9; 2 Cor. 4:13; Ef. 2:8; Fil. 1:29; 2 Tes. 2:13; 1 Ped. 1:2
- Rom. 10:14-17
- Lu. 17:5; Gawa 20:32; Rom. 4:11; 1 Ped. 2:2
2. Sa pamamagitan ng pananampalatayang ito, pinaniniwalaan ng isang Cristiano na totoo ang anumang inihayag sa Salita ng Diyos sapagka't ito ay nagtataglay ng kapangyarihan ng Diyos mismo. Nakikita rin niya sa Salita ang higit na kahusayan nito kaysa sa lahat ng ibang kasulatan at sa anumang mga bagay na nasa sanlibutan. Ipinakikita ng Salita ang kaluwalhatian ng Diyos sa Kanyang mga katangian, ang kagalingan ni Cristo sa Kanyang kalikasan at katungkulan, at ang kapangyarihan at kapuspusan ng Banal na Espiritu sa Kanyang mga gawain. Sa ganitong paraan, naipagkakatiwala ng Cristiano ang kanyang sarili sa katotohanang kanyang pinaniniwalaan.(4) Naglilingkod siya ayon sa mga hinihingi ng iba't ibang bahagi ng Banal na Kasulatan. Nagpapasakop at sumusunod siya sa mga utos.(5) Nanginginig siya sa mga babalang naririnig niya.(6) Tinatanggap niya nang lubos ang mga banal na pangako ukol sa buhay na ito at sa darating pa.(7) Datapuwa't ang pinakauna at pinakamahalagang gawain ng nakaliligtas na pananampalataya ay yaong may kinalaman kay Cristo, habang ang mananampalataya ay tumatanggap at nananalig sa Kanya lamang para sa pagkaaring-ganap, pagiging banal, at buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay dahil sa bisa ng tipan ng biyaya.(8)
- Aw. 19:7-10; 119:72; Gawa 24:14; 1 Tes. 2:13;
- Juan 15:14; Rom. 16:26
- Isa. 66:2
- 1 Tim. 4:8; Heb. 11:13
- Juan 1:12; Gawa 15:11; 16:31; Gal. 2:20
3. Ang pananampalatayang ito, bagama't may iba't ibang antas, ay maaaring maging mahina o malakas.(9) Gayon man, tulad ng ibang uri ng pagpapala na may kaligtasan, kahit sa kanyang kahinaan, iba pa rin ito sa kalikasan ng paniniwala at pangkalahatang biyaya ng may pansamantalang pananampalataya.(10) Dahil dito, kahit na ito ay malimit na tinutuligsa at pinahihina, magtatagumpay pa rin ito.(11) Sa maraming Cristiano, lumalago ito hanggang sa maabot nito ang lubos na katiyakan sa pamamagitan ni Cristo.(12) Siya ang gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya.(13)
- Mat. 6:30; 8:10,26; 14:31; 16:8; 17:20; Rom. 4:19-20; Heb. 5:13-14
- San. 2:14; 2 Ped. 1:1; 1 Juan 5:4
- Lu. 22:31-32; Ef. 6:16; 1 Juan 5:4-5
- Aw. 119:114; Heb. 6:11-12; 10:22-23; Col. 2:2
- Heb. 12:2
The Reformed Reader Home Page
Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved |