committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

 

KABANATA 17:  ANG PANANATILI NG MGA BANAL

1. Ang mga banal ay yaong tinanggap ng Diyos kay Cristo. Sila ay mabisa at makapangyarihang tinawag at pinapagbanal sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Ibinibigay Niya sa kanila ang mahalagang pananampalataya na nauukol sa lahat ng Kanyang hinirang. Hindi sila maaaring lubusan o sa wakas ay mahulog mula sa kalagayan ng biyaya. Sila ay tiyak na mananatili sa biyaya hanggang sa katapusan at maliligtas magpakailanman. Ang Diyos ay hindi kailanman nagsisisi sa pagkatawag sa kanila at pagbibigay ng kaloob sa kanila. Dahil dito, Siya ay patuloy na nagbibigay at nagpapalago sa kanilang pananampalataya, pagsisisi, pag-ibig, kagalakan, pag-asa at lahat ng biyaya ng Espiritu tungo sa kawalang kamatayan.(1) Bagama't dumating ang maraming bagyo at baha sa kanilang buhay, gayon ma'y hindi sila maaalis sa saligan at bato na matatag na kinatatayuan nila sa pananampalataya. Dahil sa kawalan ng pananampalataya at mga pagtukso ni Satanas ay pansamantalang hindi sila makakita ng liwanag at kaaliwan at pag-ibig ng Diyos,(2) sa kabila niyan ang di-nagbabagong Diyos ay nananatili pa ring kanilang Diyos. Tiyak na iingatan Niya sila at ililigtas sila sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan hanggang matamasa nila ang mana sa palad ng kamay ng Diyos at ang kanilang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay mula sa walang hanggan.(3)

  1. Juan 10:28-29; Fil. 1:6; 2 Tim. 2:19; 2 Ped. 1:5-10; 1 Juan 2:19
  2. Aw. 89:31-32; 1 Cor. 11:32; 2 Tim. 4:7
  3. Aw. 102:27; Mal. 3:6; Ef. 1:14; 1 Ped. 1:5; Apoc. 13:8

2. Ang pananatiling ito ng mga banal ay nakasalalay sa mga sumusunod:

(a) sa di-nagbabagong pagtatakda ng paghirang(4) na nagmumula sa walang bayad at di-nagbabagong pag-ibig ng Diyos Ama;

(b) ang makapangyarihang kagalingan at pamamagitan ni Jesu-Cristo at ang pakikiisa sa Kanya(5);

(c) ang pangako ng Diyos(6);

(d) ang pananahan ng Espiritu sa mga banal;

(e) ang binhi ng Diyos na nasa kanila(7); at

(f) ang katangian ng tipan ng biyaya.(8)

Ang lahat ng mga ito ay nagpapatibay sa katiyakan at di-nagmamaliw na pananatili ng mga banal.(9)

  1. Mat. 24:22,24,31; Rom. 8:30; 9:11-16; 11:2,29; Ef. 1:4-11
  2. Juan 10:28-29; 14:19; Rom. 5:9-10; 8:31-38; 1 Cor. 1:8-9; 2 Cor. 5:14; Heb. 7:25
  3. Heb. 6:17-20
  4. 2 Cor. 1:22; 5:5; Ef. 1:13-14; 4:30; 1 Juan 2:19-20,27; 3:9; 5:4,18
  5. Jer. 31:33-34; 32:40; Heb. 10:11-18; 13:20-21
  6. Juan 6:37,44; Rom. 9:16; Fil. 2:12-13

3. Maaaring mahulog ang mga banal sa mga kakila-kilabot na kasalanan at pansamantalang magpatuloy sa mga ito. Ito ay dahil sa mga tukso ni Satanas at ng sanlibutan, ang pagtatagumpay ng nananatiling kasalanan sa kanila, at ang pagpapabaya sa mga paraan ng kanilang pag-iingat.(10) Sa ganito hindi nalulugod ang Diyos sa kanila; pinipighati nila ang Kanyang Banal na Espiritu;(11) pinipinsala ang kanilang biyaya at binabawasan ang kanilang kaaliwan.(12) Nararanasan din nila ang katigasan ng kanilang puso, pagsumbat sa budhi,(13) nananakit at nagbibigay-tisod sa kapuwa,(14) at dinadala ng mga ito ang disiplina ng Diyos sa kanilang sarili.(15) Datapuwa't dahil sa sila'y mga banal, muling manunumbalik ang kanilang pagsisisi at maiingatan sila sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus hanggang sa katapusan.(16)

  1. Mat. 26:70-74
  2. Aw. 38:1-8; Isa. 54:5-9; Ef. 4:30; 1 Tes. 5:14
  3. Aw. 51:10-12
  4. Aw. 32:3-4; 73:21-22
  5. 2 Sam. 12:14; Rom. 14:13-18; 1 Cor. 8:9-13; 1 Tim. 6:1-2; Tit. 2:5
  6. Gen. 19:30-38; 2 Sam. 12:14-15; 1 Cor. 11:27-32; Heb. 12:5-13
  7. Lu. 22:32, 61-62; 1 Cor. 11:32; 1 Juan 3:9; 5:18
 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved