|
Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689
A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith
1. Maaaring dayain ng mga may pansamantalang pananampalataya at mga ibang di-ipinanganak na muli ang kanilang sarili ng maling pag-asa. Maaari rin silang magkaroon ng maka-lamang pag-aakala na sila ay nasa kagandahang-loob ng Diyos at kalagayan ng kaligtasan. Ang ganyang pag-asa nila ay mawawala.(1) Subali't ang lahat ng tunay na nananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo at matapat na umiibig sa Kanya, na nagsisikap na mamuhay ng may malinis na budhi sa harap Niya, ay maaaring makatiyak sa buhay na ito na sila ay nasa kalagayan ng biyaya. Sila ay maaaring magalak sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos. Dahil sa pag-asang ito, sila ay hindi mapapahiya kailanman.(2)
- Job 8:13-14; Jer. 17:9; Mat. 7:21-23; Lu. 18:10-14; Juan 8:41; Gal. 6:3,7-9; Ef. 5:6-7
- . Rom. 5:2-5; 8:16; 2 Ped. 1:10; 1 Juan 2:3, 3:14-24, 5:13
2. Ang katiyakang ito ay hindi pala-palagay lamang at pag-aakalang batay sa maling pag-asa, subali't ito ay isang walang kamaliang katiyakan ng pananampalataya(3) salig sa dugo at katuwiran ni Cristo na nahayag sa ebanghelyo.(4) Nasasalig din ito sa panloob na katunayan ng mga pagbabagong isinagawa ng Banal na Espiritu, ayon sa mga pangako ng Diyos.(5) Gayon din, ito ay nasasalig sa patotoo ng Espiritu ng pagkukupkop na nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo ay mga anak ng Diyos.(6) Nagbubunga ang ganitong patotoo ng pag-iingat ng puso sa pagiging mapagpakumbaba at banal.(7)
- Rom. 5:2,5; Heb. 6:11,19-20; 1 Juan 3:2,14; 4:16; 5:13,19-20
- Heb. 6:17-18; 7:22; 10:14,19
- Mat. 3:7-10; Mar. 1:15; 2 Ped. 1:4-11; 1 Juan 2:3; 3:14,18-19,24; 5:13
- Rom. 8:15-16; 1 Cor. 2:12; Gal. 4:6-7
- 1 Juan 3:1-3
3. Ang walang kamaliang katiyakan ng kaligtasan ay hindi isang lubhang kailangang bahagi ng pananampalataya. Maaaring maghintay ng matagal ang tunay na mananampalataya at makipaglaban sa maraming pagsubok bago niya makamtan ang katiyakang ito.(8) Maaari niyang makamtan ang katiyakang ito sa pamamagitan ng tamang paggamit ng mga paraan ng biyaya(9) kahit walang tanging pagpapahayag. Tinutulungan siya ng Espiritu na malaman ang bagay na tinatanggap na walang bayad ng mga mananampalataya ng Diyos.
Samakatuwid, tungkulin ng bawa't isa na pagsikapan na maging panatag siya sa kanyang pagkatawag at pagkahirang. Sa paggawa niya nito, nararanasan niya ang higit na kapayapaan at kagalakan sa Banal na Espiritu, higit na pagmamahal at pagpapasalamat sa Diyos, at sa kalakasan at kaligayahan sa tungkulin ng pagsunod. Ang mga bagay na ito ay likas na bunga ng katiyakan ng kaligtasan. Ang katiyakang ito ay hindi nag-aakay sa mga tao na magkasala.(10)
- Gawa 16:30-34; 1 Juan 5:13
- Rom. 8:15-16; 1 Cor. 2:12; Gal. 4:4-6 at 3:2; Ef. 3:17-19; Heb. 6:11-12; 2 Ped. 1:5-11; 1 Juan 4:13
- Neh. 8:10; Aw. 119:32; Rom. 6:1-2,11-13; 14:17; 15:13; Tit. 2:11-14; 2 Ped. 1:10; 1 Juan 4:19
4. Maaaring manghina o mawala ang katiyakan ng kaligtasan ng mga tunay na mananampalataya. Marahil ito ay dahil sa mga sumusunod:
a) kapabayaan sa pag-iingat nito;(11)
b) pagkahulog sa isang kasalanan na sumusugat sa kanilang budhi at pumipighati sa Espiritu;(12)
c) isang biglaan at mahigpit na pagsubok;(13)
d) pagkubli ng Diyos sa Kanyang mukha at kahit na ang mga natatakot sa Kanya ay tila wala sa kanila ang presensiya ng Diyos.(14)
Subali't, anuman ang mangyayari, may ilang mga bagay na tiyak na mananatili sa kanya: ang bagong kalikasan na mula sa Diyos,(15) ang buhay ng pananampalataya,(16) ang pag-ibig kay Cristo at sa mga kapwa mananampalataya, katapatan ng puso at kaalaman ng kanilang tungkulin. Dahil dito at sa pamamagitan ng gawa ng Banal na Espiritu sa kanila, ang katiyakan ng kaligtasan ay maaaring manumbalik sa takdang panahon.(17) Samantala, sa pamamagitan ng mga ito sila ay iniingatan mula sa kawalang pag-asa.(18)
- A. ng A. 5:2-6; Aw. 51:8-14; Heb. 6:11-12; 2 Ped. 1:5-11
- Aw. 31:22, 51:8;
- Aw. 30:7; 31:22; 77:7-8; 116:11
- Isa. 50:10
- Rom. 8:15-16; 1 Juan 3:9
- Lu. 22:32
- Aw. 42:5-11
- Panag. 3:26-31
The Reformed Reader Home Page
Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved |