committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

 

KABANATA 19:  ANG KAUTUSAN NG DIYOS

1. Ibinigay ng Diyos kay Adan ang kautusan na nasusulat sa kanyang puso,(1) na humihingi ng kanyang lubos na pagsunod. Binigyan din siya ng isang tanging utos na huwag siyang kumain ng bunga sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama.(2) Kaya si Adan at ang lahat ng kanyang lahi ay dapat lubos na sumunod palagi. Ipinangako ng Diyos ang buhay sa pagtupad at ibinabala ang kamatayan sa pagsuway sa kautusan. Ibinigay Niya kay Adan ang kapangyarihan at kakayahan na tuparin ang Kanyang kautusan.(3)

  1. Gen. 1:27; Ec. 7:29; Rom. 2:12a,14-15
  2. Gen. 2:16-17
  3. Gen. 2:16-17; Rom. 10:5; Gal. 3:10-12

2. Ang gayon ding kautusan na nasulat sa puso ng tao ay nagpatuloy na maging ganap na tuntunin ng katuwiran pagkahulog ni Adan sa kasalanan.(4) Ibinigay ito ng Diyos sa Bundok ng Sinai(5) sa sampung utos na nakasulat sa dalawang bato. Ang unang apat na utos ay ukol sa ating tungkulin sa Diyos, at ang nalalabing anim ay tungkulin sa tao.(6)

  1. Para sa ika-apat na utos, Gen. 2:3; 7:4; 8:10,12; Ex. 16; para sa ika-limang utos, Gen. 37:10; para sa ika-anim na utos, Gen. 4:3-15; para sa ika-pitong utos, Gen. 12:17; para sa ika-walong utos, Gen. 31:30; 44:8; para sa ika-siyam na utos, Gen. 27:12; para sa ika-sampung utos, Gen. 6:2; 13:10-11
  2. Rom. 2:12a,14-15
  3. Ex. 32:15-16; 34:4,28; Deut. 10:4

3. Ang sampung utos ay tinatawag na kautusang mor?. Bukod dito, ibinigay rin ng Diyos sa bayang Israel ang mga utos ukol sa mga seremonya na naglalarawan ng mga bagay na darating. Ang mga seremonyang ito ay may kaugnayan sa pagsamba na naglalarawan kay Cristo, ang kanyang mga katangian, buhay, pagdurusa, at mga pagpapala sa atin.(7) Ang mga seremonyang ito ay nagbibigay rin ng tagubilin tungkol sa iba't ibang asal.(8) Itinalaga ang mga kautusan ukol sa seremonya hanggang sa panahon lamang ni Cristo. Nang dumating si Jesu-Cristo na tunay na Mesiyas at tanging tagapagbigay-batas, binigyan Siya ng kapangyarihan ng Ama na pawalang-bisa at alisin ang mga ito.(9)

  1. Col. 2:16-17; Heb. 10:1
  2. 1 Cor. 5:7; 2 Cor. 6:17; Jud. 23
  3. Col. 2:14-17; Ef. 2:14-16

4. Ibinigay ng Diyos sa bayan ng Israel ang mga kautusang pangmamamayan. Ang mga ito ay nagwakas nang nawala ang pagkabansa ng Israel. Wala na itong bisa sa kaninuman dahil sa kanilang pagiging bahagi ng mga kautusan ng bayang yaon.(10) Ang panuntunan ng katarungan na nasa loob nito ay nananatili pa sapagka't ang mga ito ay hindi nagbabago.(11)

  1. Lu. 21:20-24; Gawa 6:13-14; Heb. 9:18-19 at 8:7,13; 9:10; 10:1
  2. 1 Cor. 5:1; 9:8-10

5. Nasasaklaw ng kautusang mor? magpakailanman ang pagsunod ng lahat ng tao, inaring ganap man o hindi.(12) Sinasaklaw rin ang ukol sa nilalaman ng kautusan at gayon din ang kapamahalaan ng Diyos na Manlilikha na nagbigay nito.(13) Hindi pinawalang-bisa ni Cristo ang kautusan sa ebanghelyo, kundi pinatibay pa Niya ang tungkulin sa pagsunod dito.(14)

  1. Mat. 19:16-22; Rom. 2:14-15; 3:19-20; 6:14; 7:6; 8:3; 13:8-10; 1 Cor. 7:19 at Gal. 5:6; 6:15; Ef. 4:25-6:4; 1 Tim. 1:8-11; San. 2:8-12
  2. San. 2:10-11
  3. Mat. 5:17-19; Rom. 3:31; 1 Cor. 9:21; San. 2:8

6. Ang mga tunay na mananampalataya ay hindi nasasakop ng kautusan bilang tipan ng mga gawa na dito sila ay inaaring-ganap o hinahatulan.(15) Gayon man sa ibang mga paraan ito ay makabuluhan sa kanila at gayon din sa mga iba. Bilang tuntunin ng buhay, ito ay nagtuturo sa kanila ng kalooban ng Diyos at ng kanilang tungkulin. Tinuturuan at inaatasan sila na sumunod dito.(16) Ipinahahayag din nito sa kanila ang makasalanang karumihan ng kanilang mga likas, mga puso at mga buhay, kaya't habang sinisiyasat nila ang kanilang sarili sa liwanag ng kautusan, sila ay higit na nasusumbatan sa kanilang kasalanan, lalong nagpapakumbaba at higit na kinapopootan ang kasalanan. Binibigyan din sila ng kautusan ng higit na maliwanag na pagkakita ng kanilang pangangailangan kay Cristo at ng kasakdalan ng sariling pagsunod ni Cristo sa kautusan.(17) Dahil sa pagbabawal ng kautusan sa kasalanan, ito ay nakatutulong sa mga tunay na mananampalataya na pigilin ang masamang hilig sa kasalanan. Ang mga babala ng kautusan ay mahalaga sa pagpapakita sa mga mananampalataya kung ano ang nararapat sa kanilang mga kasalanan, at kung anong pagdurusa ang maaaring idulot sa kanila sa buhay na ito sa kanilang pagsuway, kahit sila ay ligtas sa sumpa at di-nagbabagong kahigpitan ng kautusan.(18) Ang mga pangakong kaugnay ng kautusan ay nagpapakita rin sa mga mananampalataya ng pagsang-ayon sa Diyos sa pagsunod. Ipinakikita rin nito ang mga pagpapala na nagmumula sa pagtupad ng kautusan.(19) Datapuwa't ang mga pagpapalang ito ay hindi dumarating sa kanila dahil natupad nila ang kautusan bilang tipan ng mga gawa.(20) Hinihimok ng kautusan ang tao na gumawa ng mabuti at umiwas sa masama, subali't kapag ginawa ito ng tao, hindi nangangahulugan na ang tao ay nasa ilalim ng kautusan at hindi nasa ilalim ng biyaya.(21)

  1. Gawa. 13:39; Rom. 6:14; 8:1; 10:4; Gal. 2:16; 4:4,5
  2. Aw. 119:4-6; Rom. 7:12,22,25; 1 Cor. 7:19
  3. Rom. 3:20, 7:7,9,14,24; 8:3; San. 1:23-25
  4. Aw. 119:101,104,128; San. 2:11
  5. Aw. 19:11; 37:11; Mat. 5:6; Ef. 6:2-3
  6. Lu. 17:10
  7. Buong Aklat ng Kawikaan; Mat. 3:7; Lu. 13:3,5; Gawa 2:40; Heb. 11:26; 1 Ped. 3:8-13

7. Ang mga naunang binanggit na paggamit ng kautusan ng Diyos ay hindi salungat sa biyaya ng ebanghelyo kundi tunay na kasang-ayon nito. Pinasusuko at binibigyang kakayahan ng Espiritu ni Cristo ang kalooban ng tao na gumawa ng kusa at may kagalakan ng kalooban ng Diyos na nahahayag sa kautusan at hinihinging dapat tupdin.(22)

  1. Jer. 31:33 Ez. 36:27; Rom. 8:4; Gal. 3:21; Tit. 2:14
 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved