|
Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689
A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith
1. Ipinakikita ng liwanag ng kalikasan na mayroong isang Diyos na may kapamahalaan at kapangyarihan sa lahat. Siya ay makatarungan at mabuti, at gumagawa Siya ng mabuti sa lahat. Kaya dapat Siyang katakutan, mahalin, purihin, tawagan, pagtiwalaan at paglingkuran ng mga tao ng buong puso, kaluluwa at lakas.(1) Datapuwa't, ang tanging katanggap-tanggap na paraan ng pagsamba sa tunay na Diyos ay itinakda mismo Niya ayon sa Kanyang sariling kalooban. Hindi Siya maaaring sambahin ayon sa mga palagay at paraan ng tao, ni sa mga nagbubuhat na mungkahi ni Satanas. Hindi Siya maaaring sambahin sa pamamagitan ng mga nakikitang simbolo tulad ng larawan, imahen, krus at iba pang anyo ng pagsamba na hindi iniuutos sa Banal na Kasulatan.(2)
- Jer. 10:7; Mar. 12:33
- Gen. 4:1-5; Ex. 20:4-6; Lev. 10:1-3; Deut. 4:2; 12:29-32; 17:3; Jos. 1:7; 23:6-8; 2 Hari 16:10-18; Mat. 15:3,8-9,13; Col. 2:20-23; 2 Tim. 3:15-17
2. Ang banal na pagsamba ay dapat ibigay sa Diyos Ama, Anak at Banal na Espiritu, at sa Kanya lamang.(3) Hindi ito dapat ibigay sa mga anghel, sa mga santo, o alin mang nilalang.(4) Mula nang mahulog ang tao sa pagkakasala, ang pagsamba ay hindi maaaring ibigay sa Diyos na walang tagapamagitan. Ang tanging katanggap-tanggap na pamamagitan ay yaong kay Cristo lamang.(5)
- Mat. 4:9-10; 28:19; Juan 5:23; 2 Cor. 13:14;
- Rom. 1:25; Col. 2:18; Apoc. 19:10
- Juan 14:6; Ef. 2:18; Col. 3:17; 1 Tim. 2:5
3. Hinihingi ng Diyos sa lahat ng mga tao na manalangin sa Kanya, at magpasalamat, yamang ito ay isang bahagi ng likas na pagsamba.(6) Datapuwa't upang ito'y maging katanggap-tanggap, dapat itong gawin sa Pangalan ng Anak ng Diyos,(7) sa tulong ng Banal na Espiritu(8) at ayon sa Kanyang kalooban.(9) Dapat din itong maging magalang, mapagpakumbaba, maalab at matiyaga, may pananampalataya, pag-ibig at pag-unawa.(10) Kung nananalangin na kasama ng iba, dapat itong nasa wikang nauunawaan ng lahat.(11)
- Aw. 95:1-7; 100:1-5
- Juan 14:13,14
- Rom. 8:26
- 1 Juan 5:14
- Gen. 18:27; Aw. 47:7; Ec. 5:1-2; Mat. 6:12,14-15; Mar. 11:24; Ef. 6:18; Col. 4:2; Heb. 12:28; San. 1:6-7; 5:16
- 1 Cor. 14:13-19,27-28
4. Ang panalangin ay dapat gawin para sa mga bagay na ayon sa kalooban ng Diyos, at sa lahat ng uri ng tao na nabubuhay ngayon at sa hinaharap.(12) Datapuwa't hindi dapat manalangin para sa mga patay,(13) at hindi rin dapat manalangin para sa mga taong maliwanag na nagkasala ng kasalanang humahantong sa kamatayan.(14)
- Juan 5:14; 17:20; 1 Tim. 2:1-2
- 2 Sam. 12:21-23
- Lu. 16:25-26; 1 Juan 5:16; Apoc. 14:13
5. Ang lahat ng bahagi ng banal na pagsamba sa Diyos ay: ang pagbabasa ng Banal na Kasulatan;(15) ang pangangaral at pakikinig ng Salita ng Diyos;(16) ang pagtuturo at pagpapaalalahanan sa isa't isa sa pamamagitan ng salmo, himno at mga banal na awitin, na umaawit ng taos-pusong pagpapasalamat sa Panginoon;(17) ang pagbabautismo(18) at pagdaraos ng Banal na Hapunan.(19) Dapat itong ganapin ng may pagsunod sa Kanya, na may pag-unawa, pananampalataya, paggalang at pagkatakot sa Diyos. Bukod doon, sa mga tanging mga pagkakataon, ang taimtim na pagpapakumbaba,(20) pag-aayuno at pagpapasalamat ay dapat ganapin sa banal at magalang na paraan.(21)
- Gawa 15:21; 1 Tim. 4:13; Apoc. 1:3
- Lu. 8:18; 2 Tim. 4:2
- Ef. 5:19; Col. 3:16
- Mat. 28:19-20
- 1 Cor. 11:26
- Est. 4:16; Joel 2:12; Mat. 9:15; Gawa 13:2-3; 1 Cor. 7:5
- Ex. 15:1-19; Aw. 107
6. Ayon sa ebanghelyo, sa Bagong Tipan, hindi nakasalalay ang pagiging katanggap-tanggap ng panalangin, ni anumang bahagi ng banal na pagsamba, sa lugar na pinagdadausan, o sa dako na pinag-uukulan ng pagsamba.(22) Ang Diyos ay dapat sambahin sa lahat ng dako sa espiritu at katotohanan.(23) Dapat Siyang sambahin sa mga pami-pamilya(24) araw-araw(25) at sa personal na pagsamba sa lihim.(26) Gayon din, dapat Siyang sambahin nang taimtim sa mga tanging pagtitipon sa pagsamba.(27) Ang mga ganitong pagkakataon ng pagsamba ay naaayon sa Salita ng Diyos at probidensiya. Hindi dapat pabayaan o kusang talikuran ng mga mananampalataya ang mga ito.(28)
- Juan 4:21
- Mal. 1:11; Juan 4:23-24; 1 Tim. 2:8
- Deut. 6:6-7; Job 1:5; Gawa 10:2; 1 Ped. 3:7
- Mat. 6:11
- Mat. 6:6
- Aw. 84:1-2,10; Mat. 18:20; 1 Cor. 3:16; 14:25; Ef. 2:21-22
- Gawa 2:42; Heb. 10:25
7. Itinuturo ng batas ng kalikasan na ang isang bahagi ng panahon na itinakda ng Diyos ay dapat italaga sa pagsamba sa Diyos. Samakatuwid, ayon sa Kanyang Salita, Kanyang sadyang itinalaga ang isang araw sa pito na ipangilin bilang isang banal na sabbath sa Kanyang sarili.(29) Ang utos ukol dito ay mor?, tiyak at walang hanggan. Sinasaklaw nito ang lahat ng mga tao sa lahat ng mga panahon. Mula sa pasimula ng sanlibutan hanggang sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo, ang sabbath ay ang huling araw ng isang linggo. Subali't nang si Cristo ay nabuhay na mag-uli, ito ay naging unang araw ng linggo at tinawag na araw ng Panginoon. Ito ay nagpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo na sabbath ng Cristiano. Pinawalang-bisa na ang pangingilin ng ikapitong araw.(30)
- Gen. 2:3; Ex. 20:8; Mar. 2:27-28; Apoc. 1:10
- Juan 20:1; Gawa 2:1; 20:7; 1 Cor. 16:1-2; Col. 2:16-17; Apoc. 1:10
8. Ipinangingilin ng mga tao ang araw ng Panginoon kapag taimtim nilang naihanda ang kanilang puso sa pagsamba at naisaayos ang kanilang karaniwang mga gawain. Ipinapahinga nila ang buong araw sa kanilang mga sariling gawa, salita at pag-iisip ukol sa kanilang trabaho at pagliliwaliw.(31) Sa halip, iniuukol nila ang buong araw ng Panginoon sa pangkalahatan at personal na pagsamba sa Diyos at sa mga tungkulin ng pangangailangan at awa.(32)
- Ex. 20:8-11; Neh. 13:15-22; Isa. 58:13-14; Apoc. 1:10
- Mat. 12:1-13; Mar. 2:27-28
The Reformed Reader Home Page
Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved |