committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

 

KABANATA 26:  ANG IGLESIA

1. Ang pangkalahatang Iglesia(1) ay maaaring tawaging di-nakikita ayon sa panloob na gawa ng Espiritu at katotohanan ng biyaya. Ito ay binubuo ng buong bilang ng mga hinirang na tinipon noon, ngayon at sa hinaharap. Sila ay iisa kay Cristo na Siyang Pangulo. Ang iglesia ay ang asawa, ang katawan, kapuspusan ni Cristo na pumupuspos ng lahat sa lahat.(2)

  1. Mat. 16:18; 1 Cor. 12:28; Ef. 1:22,23; 4:11-15; 5:23-32; Col. 1:18,24; Heb. 12:23
  2. Ef. 1:22; 4:11-15; 5:23-25,27,29,32; Col. 1:18,24; Apoc. 21:9-14

2. Lahat ng mga tao sa sanlibutan na nagpapahayag ng pananampalataya sa ebanghelyo at sumusunod sa Diyos kay Cristo, ay tinatawag at maaaring tawagin na nakikitang banal.(3) Ang mga gayong "banal" ay hindi nagpapawalang kabuluhan sa kanilang paniniwala sa pamamagitan ng mga kamalian na sum?alung? o laban sa Salita ng Diyos, at sa pamumuhay na walang kabanalan. Ang lahat ng mga iglesiang lokal ay dapat na binubuo ng mga gayong mga banal na tao.(4)

  1. Mat. 16:18; 18:15-20; Gawa 11:26; Rom. 1:7-8; 1 Cor. 1:2; 5:1-9
  2. Mat. 18:15-20; Gawa 2:37-42; 4:4; Rom. 1:7; 1 Cor. 5:1-9; Ef. 1:20-22

3. Ang pinakadalisay na mga iglesia sa ilalim ng langit ay maaa-ring bagabagin ng paghahalo at kamalian.(5) Ang ilan ay nagpaka- sama-sama kung kaya hindi na sila mga iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo kundi mga "sinagoga ni Satanas".(6) Gayon pa man, si Cristo ay laging may kaharian sa sanlibutang ito magpakailanman. Ito ay binubuo ng mga sumasampalataya sa Kanya at nagpapahayag ng Kanyang pangalan.(7)

  1. 1 Cor. 1:11; 5:1; 65:6; 11:17-19; 3 Juan 9-10; Apoc. 2 at 3
  2. 1 Tim. 3:14-15; Apoc. 2:5 at 1:20; 18:2;
  3. Aw. 72:16-18; 102:28; Isa. 9:6-7; Mat. 16:18; 24:14; 28:20; Mar. 4:30-32; Apoc. 12:17; 20:7-9

4. Ang Panginoong Jesu-Cristo ang pangulo ng Iglesia. Sa pagtatalaga ng Ama, ang lahat ng kapamahalaang kinakailangan sa pagtawag, pagtatatag, pagsasaayos at pamamahala ng iglesia ay lubos at makapangyarihang ibinigay sa Kanya.(8) Hindi maaaring sa anumang paraan na maging pangulo ng Iglesia ang Papa sa Roma sapagka't siya ay anticristo, "ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan na sumasalangsang at nagmamataas laban kay Cristo at sa lahat na tinatawag na Diyos", na lilipulin ng Panginoon ng Kanyang kaliwanagan sa Kanyang pagdating.(9) *

  1. Mat. 28:18-20; Juan 10:14-16; 17:1-3; Gawa 5:31; 1 Cor. 12:27-28; Ef. 1:20-23; 4:11-16; 5:23-32; Col. 1:18
  2. 2 Tes. 2:2-9

* Ang sinasabi tungkol sa papa ay isang paniniwala noong panahong isinusulat ang Confession. Hindi natin maaaring sabihin na siya ang anticristo mismo sapagka't maraming relihion at iba pa na laban sa katotohanan ni Cristo. Maaaring masabi na siya ay isa sa mga laban kay Cristo.

5. Sa pagpapatupad ng kapamahalaan na ipinagkatiwala sa Kanya, tinatawag ng Panginoong Jesus sa Kanyang sarili mula sa sanlibutan, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Kanyang Salita, at sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, ang lahat na ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama,(10) upang mamuhay sila sa Kanyang harapan na may pagsunod na hinihingi Niya sa kanila sa Kanyang Salita.(11) Iniuutos Niya sa mga tinawag na ito na bumuo ng mga tanging lipunan o iglesia upang maitaguyod ang pagpapatibay sa isa't isa, at para sa nararapat na pagganap sa pangmadlang pagsamba na hinihingi Niya sa kanila sa mundong ito.(12)

  1. Juan 10:16,23; 12:32; 17:2; Gawa 5:31-32
  2. Mat. 28:20
  3. Mat. 18:15-20; Gawa 14:21-23; 1 Tim. 1:3; 3:14-16; 5:17-22; Tit. 1:5

6. Ang mga kaanib ng mga iglesiang ito ay mga banal sapagka't sila ay tinawag ni Cristo. Sa hayag na paraan, ipinakikita nila sa kanilang pananalita at pamumuhay na sila ay sumusunod sa tawag ni Cristo.(13) Sila ay kusang-loob na sumasang-ayon na magkaroon ng pakikisama sa isa't isa ayon sa mga utos ni Cristo. Ibinibigay nila ang kanilang sarili sa Panginoon at sa isa't isa ayon sa kalooban ng Diyos. Sila ay nagpapasakop sa mga ordinansiya ng ebanghelyo.(14)

  1. Mat. 28:18-20; Gawa 2:37-42; 4:4; 5:13-14; 14:22-23; Rom. 1:7; 1 Cor. 1:2,13-17; 1 Tes. 1:1-10
  2. Gawa 2:41-42, 5:13-14; 2 Cor. 9:13

7. Ibinigay ng Panginoon ang buong kapangyarihan at kapamahalaang kinakailangan sa bawa't iglesiang ito na nagtitipon ayon sa banal na kalooban na ipinahayag sa Kanyang Salita. Ang mga ito ay para sa pagpapatupad sa kaayusan ng pagsamba at disiplina na Kanyang itinalaga upang kanilang tuparin. Ibinigay rin Niya ang lahat ng kautusan at tuntunin para sa nararapat at matuwid na paggamit ng kapangyarihang ito.(15)

  1. Mat. 18:17-18; 1 Cor. 5:4-5, 5:13; 2 Cor. 2:6-8

8. Ang iglesiang lokal na tinipon at lubos na itinatag ayon sa kaisipan ni Cristo ay binubuo ng mga namumuno at mga kaanib. Ang mga namumuno na itinalaga ni Cristo na dapat piliin at ibukod ng iglesia ay ang mga pastor at mga diakono. Ang kanilang tanging pananagutan ay ang pagsasaayos ng pagpapatupad ng mga ordinansiya ng Panginoon, at paggamit ng mga kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Ang ganyang kaayusan ng iglesia ay nagpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo.(16)

  1. Gawa 20:17,28; Fil. 1:1; 1 Tim. 3:1-13; Tit. 1:5-7; 1 Ped. 5:2

9. Itinalaga ni Cristo ang paraan ng pagtawag sa sinumang nararapat at may kaloob na ibinigay ng Banal na Espiritu(17) para sa tungkulin ng pastor sa iglesia. Ang taong ito ay dapat piliin sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon at paghalal ng iglesia mismo.(18) Siya ay dapat taimtim na ibukod sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin, na may pagpapatong ng mga kamay ng mga kasalukuyang namumuno kung mayroon man.(19) Gayon din, ang mga diakono ay dapat piliin sa pamamagitan ng pangkalahatang paghalal ng iglesia at ibukod sa pamamagitan ng panalangin at pagpapatong ng mga kamay.(20)

  1. Ef. 4:11; 1 Tim. 3:1-13
  2. Gawa 6:1-7; 14:23 at Mat. 18:17-20; 1 Cor. 5:1-13
  3. 1 Tim. 4:14; 5:22
  4. Gawa 6:1-7

10. Kinakailangan ang mga pastor na magbigay ng palagiang pag-aasikaso sa mga gawain ni Cristo sa Kanyang mga iglesia. Dapat nilang ibigay ang kanilang mga sarili sa pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos, at sa panalangin, at alagaan ang mga kaluluwa ng mga tao sa kanilang ikabubuti, na gaya ng mga magbibigay-sulit sa Panginoon.(21) Kaya nga kinakailangan na ang mga iglesia na pinaglilingkuran nila ay magbigay sa kanila ayon sa kakayahan ng mga iglesia,(22) hindi lamang sa marapat na paggalang, kundi upang sila ay mamuhay ng may kaluwagan, upang hindi sila mangailangang maghanap-buhay sa labas.(23) Sa gayon, maaari silang makapagpatul? sa mga ibang tao.(24) Ang gayong kaayusan ay hinihingi ng kautusan ng kalikasan mismo, at ng maliwanag na utos ng ating Panginoong Jesus na Siyang nagpasiya na silang "nangangaral ng ebanghelyo ay sa ebanghelyo mabubuhay".(25)

  1. Gawa 6:4; 1 Tim. 3:2; 5:17; Heb. 13:17
  2. 1 Cor. 6:6-7; Gal. 6:6-7; 1 Tim. 5:17-18;
  3. 2 Tim. 2:4
  4. 1 Tim. 3:2
  5. 1 Cor. 9:6-14; 1 Tim. 5:18

11. Tungkulin ng mga pastor ng mga iglesia ayon sa katungkulan na maging palagiang masugid sa pangangaral ng Salita ng Diyos. Gayon pa man, ang gayong gawain ay hindi lamang para sa kanila. Maaaring marapatin ng Banal na Espiritu ang mga iba sa gayon ding gawain sa pagbibigay sa kanila ng mga kinakailangang kaloob. Kaya kung ang mga ito ay pinatunayan at tinawag ng iglesia sa gawain, sila ay maaari at nararapat na gumanap nito.(26)

  1. Gawa 8:5; 11:19-21; 1 Ped. 4:10-11

12. Tungkulin ng lahat ng mga mananampalataya na umanib sa iglesiang lokal saanman at kailanman sila ay may pagkakataong tumupad nito. Lahat ng mga tinanggap sa mga karapatan ng iglesia ay nasasakop din ng disiplina at pamamahala ng iglesia ayon sa pamamahala ni Cristo.(27)

  1. 1 Cor. 5:9-13; 1 Tes. 5:14; 2 Tes. 3:6,14-15; Heb. 13:17

13. Ang sinumang kaanib ng iglesia na natitisod sa pag-uugali ng kapwa kaanib, matapos na makasunod sa mga utos sa Banal na Kasulatan ukol sa pagharap sa ganyang pangyayari, ay kinakailangang magpigil sa paggambala ng kapayapaan ng iglesia. Hindi rin sila dapat na lumiban sa mga pagtitipon ng iglesia o sa pagpapatupad ng mga ordinansiya dahil sa pagkatisod nila sa ilan sa kanilang kapwa kaanib. Dapat silang mag-antay kay Cristo sa mga susunod na kapasiyahan ng iglesia.(28)

  1. Mat. 18:15-17; 28:20; Ef. 4:2-3; Col. 3:12-15; 1 Juan 2:7-11,18-19

14. Dapat ay patuloy na manalangin ang lahat ng mga kaanib ng bawa't iglesiang lokal para sa ikabubuti at ikauunlad ng lahat ng mga iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng dako. Sa lahat ng pagkakataon, sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang kaloob at katangiang espirituwal,(29) dapat nilang tulungan ang lahat ng kapwa mananampalataya na makakasalamuha nila sa kanilang paligid at hanapbuhay.(30) Samakatuwid, dapat hanapin ng mga iglesia ang pakikisama sa isa't isa hangga't ibinibigay ng probidensiya ng Diyos ang pagkakataong matamasa ang mga gayong kapakinabangan.(31)

  1. Aw. 122:6; Juan 8:10 at 2 Juan 5-11; Juan 13:34-35; 17:11,21-23; Rom. 15:26; 16:1-3; 2 Cor. 8:1-4, 16-24; 9:12-15; Ef. 4:11-16; 6:18; Col. 2:1 at 1:3,4,7 at 4:7,12; 3 Juan 8-10
  2. Rom. 16:1-2; Gal. 1:2,22; Col. 4:16; 3 Juan 8-10; Apoc. 1:4
  3. Jos. 22; Rom. 16:1-3; 2 Cor. 9:12-15; 1 Juan 4:1-3 at 2 Juan at 3 Juan

15. Kapag nagkaroon ng mga suliranin o di-pagkakasundo sa doktrina o pangangasiwa ng iglesia, at ang kapayapaan, pagkakaisa at katibayan ng iglesia ay nasasapanganib, isang iglesia lamang o ang lahat ng mga iglesia ang maaaring masangkot. Muli ang kaanib o mga kaanib ng isang iglesia ay maaaring masaktan sa pagdidisiplina na hindi ayon sa katotohanan at kaayusan ng iglesia. Sa mga pangyayaring gaya nito, naaayon sa kaisipan ni Cristo na ang maraming iglesia na may pakikisama sa isa't isa ay dapat magpulong at magsangguniang magkakasama sa pamamagitan ng kanilang napiling kinatawan. Sila ay maaaring makapagbigay ng kanilang payo hinggil sa mga bagay na pinagtatalunan ng mga iglesiang nasasangkot.(32) Gayon pa man, dapat maunawaan na ang mga kinatawang nagpupulong ay hindi pinagkatiwalaan ng anumang kapangyarihan ng iglesia. Wala rin silang kapangyarihan sa mga iglesia mismo upang magdisiplina sa anumang iglesia o sinumang tao, ni ipilit ang kanilang pasiya sa mga Iglesia o sa mga namumuno nito.(33)

  1. Kaw. 3:5-7; 12:15; 13:10; Gawa 15:2-6,22-25; Gal. 2:2;
  2. 1 Cor. 7:25,36,40; 2 Cor. 1:24; 1 Juan 4:1
 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved