committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

 

KABANATA 30:  ANG BANAL NA HAPUNAN

1. Itinatag ng Panginoon ang banal na Hapunan nang gabi ring yaon nang Siya ay ipinagkanulo.(1) Ito ay dapat ipagdiwang ng Kanyang mga iglesia(2) hanggang sa katapusan ng sanlibutan,(3) upang palagiang alalahanin Siya at ipahayag ang paghahandog ng Kanyang sarili sa Kanyang kamatayan.(4) Itinatag din ito upang pagtibayin ang mga banal sa kanilang pananampalataya na ang lahat ng pagpapala na galing sa handog ni Cristo ay nauukol sa kanila.(5) Bukod dito, ito ay nauukol sa kanilang espirituwal na kalusugan at paglago kay Cristo(6) at pagpapatibay sa pagganap ng lahat ng tungkulin na dapat nilang ibigay sa Kanya.(7) Ito rin ay isang buklod at pangako ng pakikisama ng mga mananampalataya kay Cristo at sa isa't isa.(8)

  1. Mat. 26:20-26; Mar. 14:17-22; Lu. 22:19-23; 1 Cor. 11:23-26
  2. Gawa 2:41-42; 20:7; 1 Cor. 11:17-22,33-34
  3. Mar. 14:24-25; Lu. 22:17-22; 1 Cor. 11:24-26
  4. Mat. 26:27-28; Lu. 22:19-20; 1 Cor. 11:24-26
  5. Rom. 4:11
  6. Juan 6:29,35,47-58
  7. 1 Cor. 11:25
  8. 1 Cor. 10:16-21

2. Hindi inihahandog si Cristo sa Kanyang Ama sa ordinansiyang ito, ni walang tunay na handog ang ginagawa sa ikapagpapatawad ng kasalanan ng buhay o patay. Ang banal na Hapunan ay isang pag-aalaala lamang ng tanging paghahandog ni Cristo ng Kanyang sarili sa krus, minsan magpakailanman.(9) Ito ay espirituwal na paghahandog ng lahat ng maaaring pagpuri sa Diyos para sa krus.(10) Kaya ang tinatawag na handog ng misa ng iglesiang Romano ay lubhang kasuklam-suklam, at nakapipinsala sa sariling handog ni Cristo na Siyang tanging pampalubag-loob para sa lahat ng mga kasalanan ng mga hinirang.

  1. Lu. 22:19; Juan 19:30; 1 Cor. 11:24-25; Heb. 9:25-28; 10:10-14
  2. Mat. 26:26-27,30 at Heb. 13:10-16

3. Inatasan ng Panginoong Jesus sa ordinansiyang ito ang Kanyang mga ministro na manalangin, at pagpalain ang mga simbolo ng tinapay at alak. Sa ganitong paraan, ibinubukod ang mga ito sa karaniwang gamit tungo sa banal na paggamit. Dapat nilang kunin at pagputul-putulin ang tinapay, at pagkatapos ay ang saro, at kapwa ibigay sa mga nakikisalo at sa kanyang sarili, at pagsasalu-saluhan nilang lahat.(11)

  1. Mat. 11:23-26; Mar. 14:22-25; Lu. 22:19-22; 1 Cor. 11:23-26

4. Ang pagkakait ng saro sa mga tao,(12) ang pagsamba sa mga sangkap at pagtataas ng mga ito, o ang pagdadala-dala sa mga ito sa layon ng pagsamba, at sa paglalaan sa mga ito para sa pakunwaring relihiyosong paggamit(13) ay labag lahat sa kalikasan ng ordinansiya at sa layon ni Cristo sa pagtatakda nito.(14)

  1. Mat. 26:26-28; Mar. 14:23; 1 Cor. 11:25-28
  2. Ex. 20:4-5
  3. Mat. 15:9

5. Ang mga panlabas na sangkap ng ordinansiyang ito na marapat na ibinukod sa paggamit na itinakda ni Cristo ay maliwanag na naglalarawan kay Cristo na napako sa krus, kung kaya't ang mga ito ay tinutukoy minsan sa mga bagay na kanilang inilalarawan, alalaon baga'y ang katawan at dugo ni Cristo.(15) Datapuwa't sa sangkap at kalikasan, nananatili silang tunay at tanging tinapay at alak tulad sa pasimula.(16)

  1. Mat. 26:26-28; 1 Cor. 11:27
  2. Mat. 26:29; 1 Cor. 11:26-28

6. Ang doktrinang karaniwang tinatawag na transubstantiation na nagsasaad na ang sangkap ng tinapay at alak ay nagiging sangkap ng katawan at dugo ni Cristo sa pamamagitan ng paghahandog ng pari o anumang ibang paraan ay kasuklam-suklam hindi lamang sa Banal na Kasulatan kundi maging sa karaniwang bait at katuwiran. Bukod dito, iginugupo nito ang kalikasan ng ordinansiya, at dati na at siya pa ring sanhi ngayon ng lahat ng uri ng pamahiin at labis na pagsamba sa diyus-diyusan.(17)

  1. Gen. 17:10-11; 41:26-27; Ez. 37:11; Mat. 26:26-29; Lu. 12:1; 24:36-43,50-51; Juan 1:14; 20:26-29; Gawa 1:9-11; 3:21; 1 Cor. 11:24-26; Apoc. 1:20

7. Ang mga karapat-dapat na makisalo, na hayag na kumakain at umiinom ng mga nakikitang sangkap sa ordinansiyang ito,(18) ay gayon din tumatanggap at kumakain kay Cristo na ipinako sa krus, at ginagawa nila ito hindi na tulad ng kumakain sa mismong laman at dugo ng katawan ng isang tao, kundi sa puso at sa pananampalataya.(19) Sa Banal na Hapunan, ang katawan at dugo ni Cristo ay naroon sa paniniwala ng mga mananampalataya, kung paano ang tinapay at alak ay naroon sa kanilang paningin at pandama.(20)

  1. 1 Cor. 11:23-26
  2. Juan 6:29,35,47-58
  3. 1 Cor. 10:16

8. Ang lahat ng tao na nakikisalo sa Banal na Hapunan na hindi karapat-dapat ay nagkakasala laban sa katawan at dugo ng Panginoon, at ang kanilang pagkain at pag-inom ay nagdadala sa kanila sa paghatol ng Diyos. Samakatuwid, ang lahat ng taong mangmang at makasalanan, yamang hindi sila karapat-dapat na makisama kay Cristo, ay hindi rin karapat-dapat na makisalo sa Banal na Hapunan. Habang nananatili silang gayon,(21) hindi sila marapat na pasaluhin sa banal na ordinansiya ni Cristo, sapagka't malaking kasalanan ang ganito laban kay Cristo.(22)

  1. Ex. 20:7, 16; Mat. 7:6; Gawa 2:41-42; 20:7; 1 Cor.5:9-13; 11:17-22,29-34; Ef. 4:17-24; 5:3-9; 2 Juan 10
  2. 1 Cor. 11:20-22,27-34
 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved