committed to historic Baptist & Reformed beliefs

 

history

documents

library

biography

 

Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

PAUNANG SALITA

Ang pagsasaling ito sa wikang Pilipino ng 1689 na Pagpapahayag ng Pananampalataya ay nagsimula noong 1989. Ang taong 1989 ang ika-300 anibersaryo ng Pagpapahayag (Confession). Muling natuklasan ng dumaraming bilang ng mga iglesiang Baptist sa Pilipinas ang Pagpapahayag at pinaniniwalaan ang mga doktrinang noong una pa ay pinanghahawakan na ng maraming Baptist sa Britanya at sa Estados Unidos. Napagpasiyahan na ang pagsasalin ng Pagpapahayag ay makatutulong sa tunay na pangangailangan ng mga iglesiang Baptist at ng mga iba pa.

Isang lupon ng tagapagsalin ang itinatag na binubuo nina Arnel Cajayon, Brian at Necy Ellis, Noel Espinosa, Rene Maramara at Pacita Seveses. Sila ang mga kinatawan ng limang iglesia na nanghahawak sa mga doktrinang ipinahahayag sa 1689 Pagpapahayag.

Ang Pagpapahayag ay unang isinalin ni Dan Esplana na taga-Daet. Ang saling ito ay hindi gaanong nagamit ng mga tagapagsalin sa dahilang ito ay malimit na napaka-literal at napakalalim ng Tagalog. Gayon man ay ibinigay niya ang pahintulot na ito ay baguhin. Si Arnel Cajayon at ang ilan sa mga miembro ng kaniyang iglesia ay nagsalin din ng unang sampung kabanata at ang saling ito ang naging batayan ng unang sampung kabanata nito.

Ang lupon ay nagtipon minsan sa isang buwan nguni't ang pagsasalin ay naging napakabagal. Dahil diyan, noong Enero 1991 isang maliit na grupo mula sa Cubao Reformed Baptist Church na binubuo nina Avin Castillo at Brian at Necy Ellis ang nagsimulang magtipon linggu-linggo at natapos ang pagsasalin noong Mayo 1991. Ang saling ito ay ipinadala sa dating lupon ng tagapagsalin at sa ilang iglesiang nanghahawak din sa pagpapahayag na ito upang kanilang mapagbalik-aralan, mabigyan ng mga mungkahi at pagpuna. Sa kahuli-hulihan, noong Junyo 1991, itinakda at isinaayos na magtipon sa Los Ba?s ang mga kinatawan ng siyam na iglesia at doon pinagkaisahang pagtibayin ang salin sa wikang Pilipino ng Pagpapahayag.

Ang Pagpapahayag na ito sa wikang Pilipino ay inihahandog sa inyo na kalakip ang maraming panalangin na gagamitin ito ng Diyos sa Pilipinas sa pagpapatibay ng Kaniyang Iglesia at sa paglago ng katotohanang ipinahahayag sa atin sa Banal na Kasulatan.

Nais ipabatid ng mga manlilibag ang kanilang taus-pusong pasasalamat sa bawa't isa na tumulong sa pagsasalin nito at sa mga iba pa. Purihin nawa ang Diyos.
 
KABANATA 01:  ANG BANAL NA KASULATAN
KABANATA 02:  ANG DIYOS AT ANG BANAL NA TRINIDAD
KABANATA 03:  ANG PAGTATAKDA NG DIYOS (GOD'S DECREE)
KABANATA 04:  PAGLIKHA
KABANATA 05:  PROBIDENSIYA NG DIYOS
KABANATA 06:  ANG PAGKAHULOG NG TAO: ANG KASALANAN AT ANG KAPARUSAHAN NITO
KABANATA 07:  ANG TIPAN NG DIYOS
KABANATA 08:  SI CRISTO - ANG TAGAPAMAGITAN
KABANATA 09:  ANG KALAYAAN NG KALOOBAN NG TAO
KABANATA 10:  MABISANG PAGTAWAG
KABANATA 11:  ANG PAGKA-ARING GANAP
KABANATA 12:  ANG PAGKUKUPKOP
KABANATA 13:  ANG PAGIGING BANAL
KABANATA 14:  ANG NAKALILIGTAS NA PANANAMPALATAYA
KABANATA 15:  ANG PAGSISISI TUNGO SA BUHAY AT KALIGTASAN
KABANATA 16:  MABUBUTING GAWA
KABANATA 17:  ANG PANANATILI NG MGA BANAL
KABANATA 18:  ANG KATIYAKAN NG BIYAYA NG KALIGTASAN
KABANATA 19:  ANG KAUTUSAN NG DIYOS
KABANATA 20:  ANG EBANGHELYO AT ANG ABOT NG BIYAYANG ITO
KABANATA 21:  ANG KALAYAANG CRISTIANO AT KALAYAAN NG BUDHI
KABANATA 22:  ANG BANAL NA PAGSAMBA AT ANG ARAW NG PANGINOON
KABANATA 23:  MGA MATUWID NA SUMPA AT PANATA
KABANATA 24:  PANGMAMAMAYANG PAMAHALAAN
KABANATA 25:  ANG PAG-AASAWA
KABANATA 26:  ANG IGLESIA
KABANATA 27:  ANG PAKIKISAMA NG MGA BANAL
KABANATA 28:  ANG BAUTISMO AT ANG BANAL NA HAPUNAN
KABANATA 29:  ANG BAUTISMO
KABANATA 30:  ANG BANAL NA HAPUNAN
KABANATA 31:  ANG KALAGAYAN NG TAO PAGKAMATAY AT ANG PAGKABUHAY NA MAG-ULI NG PATAY
KABANATA 32:  ANG HULING PAGHUHUKOM
 

PAMBUNGAD NA PANANALITA

Si Professor John Murray, itinuturing ng marami na isa sa pinakadakilang teologo ng ating siglo, ay nagwika, "Ang presensiya ng Diyos ay laging kasama ng iglesia sa lahat ng mga salinlahi nito. Siya ang nagkaloob sa Iglesia ng kakayahan ng pang-unawa at pamimigkas. Ang walang humpay na gawaing ito ng Banal na Espiritu ang siyang dahilan ng patuloy na pagsulong sa lahat ng mga siglo ng tinatawag nating Doktrinang Cristiano."

Ang tinutukoy dito ni Professor Murray ay ang patuloy na pag-aaral sa Salita ng Diyos ng mga nauna at kasalukuyang mana-nampalataya. Ang pag-aaral na ito ay nagsasaysay ng iba't-ibang paraan ng paglalahad ng paniniwala sa katuruan ng Bibliya. Karaniwang inilalahad ng lupon ng mga mananampalataya ang kanilang paniniwala sa mga dokumento ng pagpapahayag (Confessional documents), na may pag-asa na ito ay magbubunga ng gayon ding paniniwala sa mga susunod na salinlahi. Sa kasaysayang Cristiano, ilan sa mga dokumentong ito ang lubhang naging maimpluensiya sa paghubog ng paniniwala ng mga Cristiano sa mga sumunod na panahon at siglo. At isang kamangmangan sa mga nag-aaral ng Doktrinang Cristiano na kaligtaang saliksikin ang karunungang tumatahan sa mga nakatala nang dokumento.

Isa sa mga maimpluwensiyang dokumento ay Ang Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist na ginanap sa London, Britanya noong 1689 (The 1689 London Baptist Confession of Faith). Ang mga sumusunod na pahina ay bunga ng pagsisikap na ito ay maisalin sa wikang Pilipino upang sa biyaya at awa ng Diyos, ay maisiwalat ang karunungang nananahan dito sa mga mananampa-latayang Pilipino.

Ang Pagpapahayag ng 1689 ay natapos noong 1677, nguni't inilantad lamang ito at inihayag noong maghari si William at Mary sa trono ng Inglatera at isabatas ang Act of Toleration. Sa pamamagitan nito, ang mga hindi sumasang-ayon (non-conformists) sa iglesia ng estado ay binigyan ng kalayaan sa kanilang pananampalataya. Nagkaroon ng pagkakataon na makapagpulong ang mga pangunahing pinuno at guro na Baptist at lagdaan Ang Pagpapahayag.

Isang hangad ng mga Baptist na may-akda ng Pagpapahayag ay ipakita ang kaisahan ng kanilang paniniwala sa malaking bahagi ng mga mananampalatayang Cristiano. Kung kaya't ang nakararaming nilalaman ng Pagpapahayag ay mga sipi sa ibang mahahalagang dokumento. Pangunahin na rito ay ang Westminster Confession of Faith ng 1647. Ang iba naman ay hinango mula sa Savoy Declaration ng 1658 at mula rin sa First London Baptist Confession ng 1644. Nguni't sa mga ilang bahagi ay hindi nangimi ang mga may-akda na gumawa ng mga orihinal na mga pangungusap na sa kanilang pananaw ay lalong malapit sa turo ng Salita ng Diyos. Sa ngayon, Ang Pagpapahayag na ito ay siyang ginagamit ng mga Reformed Baptist sa paglalahad ng kanilang paniniwala.

Sa pamamagitan ng saling ito ay inaasahan na may panalangin na bubuklatin at pag-aaralan ito ng mananampalatayang naghahangad ng matalinong pagkatalos sa Doktrinang Cristiano na hinango sa Bibliya. Nabubuhay tayo sa panahon na samantalang dumarami ang nag-aangkin ng karanasan ng kaligtasan ay lalong bumababaw ang pagkaunawa sa mga doktrina ng Bibliya. Sa maraming mga dako ay mayroong hinala, kundi man tahasang pagsalungat, sa sinumang magsisikap ng mas malalim na pag-aaral ng doktrina. Ang paningin ngayon ay sapat na ang mga pangangaral na may "inspirasyon"at "debosyon". Nguni't huwag tayong padaya sa ganitong pananaw. Ang paglagong Cristiano ay iniuugat sa pagkaunawa at pamumuhay ng doktrina ng Diyos (Juan 7:17; Ef. 4:14; 1 Juan 4:1).

Sa saling ito ay inilalagay sa ating wika ang mga doktrinang nagpaningas sa puso ng mga naunang mananampalataya. Ang mga doktrinang ito ay maaaring hindi tanggapin niyaong mga walang hangad na lumago bilang alagad.

Narito ang Doktrina ng Bibliya: "Ang Banal na Kasulatan lamang ang sapat, tiyak at di maaaring magkamali na tuntunin o pamantayan ng nagliligtas na kaalaman, pananampalataya o pagtalima ..." (Kab. 1.1)

Ang tungkol sa probidensiya ay lubhang kailangan ngayon sa ating panahon: "Sa Kanyang walang hanggang kapangyarihan at karunungan ay nilikha ng Diyos ang lahat ng mga bagay. Siya rin ang umaalalay, namamatnugot, nangangasiwa at namamahala sa lahat ng ito may buhay man o wala, dakila man o munti. Ito ang Kanyang probidensiya na sakdal sa karunungan at kabanalan, at sumasang-ayon sa Kanyang di-nagkakamaling paunang kaalaman at sa malaya at di-nagbabagong kalooban ..." (Kab. 5.1)

Ang kalagayan ng tao ay tahasang inilalantad: "Gayon din mula sa kapanganakan ang lahat ng tao ay may masamang likas ... Dahil dito ang lahat ay sumailalim sa kapootan ng Diyos, mga alipin ng kasalanan at mga nasa ilalim ng kapangyarihan ng kamatayan ... " (Kab. 6.3)

Ngayong lubhang nakatuon sa tao ang pang-unawa ng kaligtasan, ang pagtatakda ng Diyos ay walang pangingiming inilalahad dito: "Ayon sa pagtatakdang nagtatanghal ng Kanyang kaluwalhatian, ang Diyos ay humirang ng mga tao at mga anghel sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Dito ay nahayag ang kapurihan ng Kanyang biyaya ... " (Kab. 3.3)

Sa mga nag-aangking Cristiano na nagwawalang-bahala sa kabanalan: "Ang mga kalakip ni Cristo, na mabisa at makapangyarihang tinawag at ipinanganak na muli, ay may bagong puso at bagong espiritu na nilikha sa kanila. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu na nananahan sa kanila, ang gawain ng pagpapakabanal sa kanila ay nagpapatuloy ..." (Kab. 13.1)

Ang mga nabanggit na ito ay ilan lamang sa mahahalagang sangkap sa paniniwalang Cristiano na binigyang-diin sa Pagpapahayag. Nagpapatunay rin ito na hindi ito karaniwan sa naririnig na pangangaral. Ang mga may-akda ng Pagpapahayag ay naghangad lamang na hayaang ang turo ng Bibliya ay madama sa kaaliwan man o pagsumbat, sa pagpapala man o sa pagsaway. Ang tunay na alagad ay handang tumanggap; at sa pagtanggap ay naroon ang paglago.

Dapat bigyang diin dito na hindi ito kapalit ng seryosong pag-aaral mismo ng Bibliya. Ang Bibliya ay walang kapantay na dokumento. Sa lahat ng panahon, ang Bibliya ang dapat manaig at humubog ng ating pananampalataya. Anumang pangungusap sa Pagpapahayag na ito ay tatanggapin lamang kung ito ay buong linaw na pagtuturo ng Salita ng Diyos.

May laksa-laksang patotoo ng mga mananampalataya noon at sa kasalukuyan na nakasumpong ng karunungan at lalong masidhing katapatan sa Diyos mula sa Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689. Sana, sa iyong matapat at masusing pag-aaral ay maging karagdagan ka sa gayong patotoo.

 

`Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
Ito'y nagdudulot ng galak sa puso.
Ang mga utos ng Panginoon ay maningning,
nagdudulot ng liwanag sa mga mata.`

Awit 19:8

Noel A. Espinosa
August 1991
Los Ba's, Philippines


These WWW pages of Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689 copyright ©1997 by Wisdom Publications, P.O. Box 1233, Quezon City, Philippines, and are placed on the WWW with permission. They may be freely copied and used, but not for profit. For any other commercial use, contact Wisdom Publications for permission.

Electronic text provided by Pastor Brian Ellis, Cubao Reformed Baptist Church, Quezon City, Philippines. HTML by Pastor Brian Ellis & Webservant, Bill Newcomer. August, A.D. 1997.
 Share This Page Using:

 

 
 
The Reformed Reader Home Page 


Copyright 1999, The Reformed Reader, All Rights Reserved